Showbiz News

Mayweather vs. Pacman, Manny says game on!

By AEDRIANNE ACAR 
 
Matapos pulbusin ang American boxer na si Chris Algieri sa kanilang laban sa Cotai Arena sa Macau, kumasa ang pambansang kamao Manny ‘Pacman’ Pacquiao na handa nitong labanan ang 2013 Fighter of the Year na si Floyd Mayweather Jr. 
 
Sa panayam ng 24 Oras sa eight time world division champion, sinabi nito na dapat ng matuloy ang laban nila ni Mayweather Jr. para sa mga fans na sumusuporta sa kanila.
 
Saad ni Manny, “Sa tingin ko kailangan na siguro matuloy ang fight na ‘yan dahil I think the fans deserve that fight.” 
 
Bagama’t nagwagi si Pacman kontra kay Algieri via a unanimous decision hindi daw naging madali talunin ang 5’10 boxer. 
 
Aniya game plan daw nila ng kanyang team na patulugin sa parisukat na lona si Chris.
 
“Ang game plan namin is to finish him looking for a knock out every round. Ginawa natin lahat ng magagawa natin kaya ‘yung mga binibitawan kong mga suntok puro malalakas. Ang problema ay hindi siya nakikipag-engage sa atin.” 
Para naman sa maybahay ni Manny na si Sarangani Vice Governor Jinkee Pacquiao, impressive daw ang ipinakita ng kanyang asawa sa laban dahil litaw ang lakas, bilis, at determinasyon ng fighting congressman. 
 
Pero sa tanong na gusto na niya bang mag-retiro si Manny?
 
Tugon ni Jinkee, “Pagdating kasi sa bagay na ‘yan, puwede lang ako mag-suggest, puwede akong magbigay ng opinyon ko. Pero at the end of the day, si Manny pa rin ‘yung masusunod. Hintayin na lang namin kung kelan siya mag-retire.”