Showbiz News

'Akala ninyo umaarte lang ako pero hindi. Nanginginig na talaga ako' - Rochelle Pangilinan

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
 
Mahirap pala ang dinaranas ni Kapuso actress Rochelle Pangilinan sa Ang Lihim ni Annasandra. Ayon sa kanya, challenging daw ang pag-portray ng role ni Esmeralda dahil sa pagta-transform nito sa isang baboy-ramo.
 
Kuwento ng Program Manager ng Afternoon Prime soap na si Hazel Abonita, screen test pa lamang ay talagang natuwa na sila sa performance ni Rochelle sa transformation scene. Sa tingin daw niya ay malaki ang naitulong ng pagiging dancer ng aktres sa role.
 
Nang tanungin naman namin si Rochelle, agad naman siyang sumang-ayon. Anang aktres, “Oo. Malaki ang naitutulong [ng pagiging dancer ko].
 
Kuwento ni Rochelle, magkaiba ang transformation nila ng bidang si Andrea Torres. Saad niya, “Magkaiba kami ni Annasandra eh. Si Annasandra kasi, puwede siyang sumigaw kasi first time niyang maging aswang. Beterano na kasi akong aswang and kailangan sa center siya ng body mo mag-start.”
 
“So paglabas niya, dapat alam mo na 'to. Alam mo na ang nangyayari sa katawan mo 'to kaya ang nangyayari sa 'kin, sa sobrang alam ko na, nanginginig na ang buong katawan ko. Akala ninyo umaarte lang ako pero hindi. Nanginginig na talaga ako,” pahayag ng Ang Lihim ni Annasandra star.
 
Buti na lamang daw ay sanay siyang sumayaw kaya’t hindi na gaanong kahirap ang transformation scenes. “Mga dulo ng daliri lang 'yung tumutulong sa 'kin para makatayo ako ng sobra. So para sa 'kin, malaki talaga naitulong ng pagiging dancer ko kaya siguro mas naibibigay ko siya nang maayos,” bahagi ni Rochelle.
 
Ayon pa sa kanya, kahit mahirap ang role ay hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ito dahil matagal na niyang pinapangarap ang mag-portray ng isang aswang.