Showbiz News

Ano'ng reaksyon ni Joyce Ching nang malaman na balik-tambalan sila ng ex-bf na si Kristoffer Martin?

By AL KENDRICK NOGUERA
 
Official na ang balik-tambalan ng ex-lovers na sina Joyce Ching at Kristoffer Martin sa Afternoon Prime soap na Healing Hearts sa 2015.
 
Bukod sa magandang balita ito sa KrisJoy fans, sobrang tuwa rin ni Joyce dahil ito ang kanyang kauna-unahang lead role. Ilang beses nang nakabilang sa lead cast ang teen star pero ngayon pa lang na solo niya ang pagiging bida.
 
Bago rin ito kay Joyce dahil malayong-malayo sa kontrabida roles niya noon ang character sa Healing Hearts. Aniya, “Siyempre po masaya kasi lahat naman siguro ng artista na pumapasok sa showbiz, dream din nilang maging mabait sa isang palabas. Hindi 'yung palaging kontrabida.”
 
“Masaya at 'tsaka excited ako at the same time,” dagdag pa niya.
 
Kuwento ni Joyce, naririnig na niyang mayroon siyang upcoming show pero hanggat hindi confirmed ay ayaw niyang umasa. “Noong una sa chismis-chismis ko pa lang po nalalaman eh. Tapos parang sabi ko na lang 'Ay, huwag munang mag-expect hanggat wala pa kasi mahirap na baka maudlot',” anang aktres.
 
Dahil hindi masyadong nag-expect, labis daw ang kanyang tuwa nang kumpirmahin ito ng kanyang manager. Pero kasabay ng magandang balitang ito ay ang pagkagulat ni Joyce. Makakapareha niya raw kasing muli ang ex-boyfriend niyang si Kristoffer Martin.
 
Nang ma-interview namin si Joyce, tinanong namin ang reaksyon niya nang malaman niyang love team ulit sila ni Kristoffer. Ipinakita niya kung gaano siya na-shock sa balita.
 

 
Pero ani Joyce, wala naman daw problema kung magkakatrabaho ulit sila ng kanyang ex. “Masaya po kasi ang tagal na naming hindi nagka-partner at saka si Kristoffer kasi kapag katrabaho ko, kapag mayroong mga eksenang mabibigat, sobrang nakakatulong talaga siya,” anang Healing Hearts lead star.
 
Abangan ang balik-tambalan nina Joyce Ching at Kristoffer Martin sa Healing Hearts, soon on GMA Afternoon Prime.