Showbiz News

'Sobra pa sa 100 percent [na magkakabalikan sina Kristoffer Martin at Joyce Ching]!' – Kim Rodriguez

By AL KENDRICK NOGUERA


PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Marami ang nalungkot nang mamatay ang character ni Joyce Ching na si Dorina sa Strawberry Lane. Pero pagkalipas ng ilang linggo, muling bumalik ang teen star sa Telebabad show bilang si Amelia.
 
Dahil bumalik si Joyce, hindi maitago nina Kim Rodriguez at Joanna Marie Tan ang saya. “Siyempre sobrang saya namin kasi bumalik 'yung kaibigan namin kasi simula nang umalis siya, parang may kulang sa 'min,” ani Kim.
 
Kuwento naman ni Joanna, sobrang nanibago sila sa taping nang mawala si Joyce. Aniya, “'Yung higaan kasi namin [ay] sobrang magkakatabi. 'Yung wala nang space, wala nang hallway kaya parang noong nawala siya, lumiit 'yung higaan namin.”
 
Buti na lamang daw ay binigyan ng panibagong character si Joyce. Pero bukod pa rito, masaya rin daw sina Kim dahil may bagong project si Joyce, ang Healing Hearts na ipapalabas next year sa Afternoon Prime.
 
Makakapareha ni Joyce ang ex-boyfriend na si Kristoffer sa soap na ito kaya naman tinanong namin si Kim kung ano ang reaksyon niya nang malaman ang magandang balita.
 
“Ay siyempre sobrang happy ako sa kanya dahil bago naman kami maging love team ni Kristoffer, sila 'yung love team. At siyempre, may past sila,” pahayag ni Kim.
 
Dagdag pa ni Kim, “Siyempre sobrang saya ko kasi 'yung dalawa, noong Paraiso Ko’y Ikaw pa lang ay nakasama ko na. Tatlo kaming magkakasama so alam kong na-miss din nila 'yung isa't-isa. Hindi nila maiiwasan 'yon.”
 
Tinanong namin kay Kim kung malaki ba ang chance na magkabalikan sina Joyce at Kristoffer. “Sobra pa sa 100 percent! Boto ako sa kanilang dalawa.” sagot ng Strawberry Lane star.
 
Kuwento nina Kim at Joanna, hanggang ngayon daw kasi ay hindi nawawala ang komunikasyon nina Joyce at Kristoffer sa isa’t-isa. Bahagi ni Joanna, “Lagi pa rin silang magka-text. Magugulat ka na lang nagte-text si Joyce, nakalagay, Kristoffer. Ay! Magka-text sila Ateng!”