Showbiz News

Chlaui Malayao, naipaayos na ang bahay dahil sa ‘Yagit’

By AL KENDRICK NOGUERA

 
“Lahat po ng hiniling ko kay God [ay] natupad na,” ‘yan ang bungad ng Yagit child star na si Chlaui Malayao nang kumustahin ng GMANetwork.com ang kanyang Pasko.
 
Ayon kay Chlaui, masaya raw siya dahil naging artista na siya at malaki ang naitulong nito sa kanilang pamilya lalo na sa pinansyal.
 
Saad niya, “Nawala na po lahat ng mga problema namin. Kasi dati po wala pa po kaming pera.”
 
Unti-unti raw nakapag-ipon si Chlaui para makapagpagawa ng maayos na bahay. Aniya, “'Yung bubong namin, parang tent lang po noon. Tapos ngayon po, napagawa ko na po 'yung bahay namin. May bubong na po kami.”
 
Dagdag pa niya, “Tapos po lumaki na po 'yung bahay namin. Dati po kasi, 'yung pintuan po namin [ay] kurtina lang po. Tapos po wala po kaming sala at wala po kaming kainan.”
 
Ani Chlaui, nagtitiis lang daw sila noon sa isang kuwarto at electric fan. Kaya ngayong kumikita na siya, una nilang ipinaayos ang tirahan. “Ngayon po, may terrace na po kami. Mayroon na rin po kaming kainan, CR, at may pinto na po 'yung CR namin. May sala na rin po kami,” saad ng Yagit star.
 
Hindi na raw sila nagsisiksikan sa isang kuwarto ngayon. “Mayroon na po kaming itaas. Mayroon na po akong sariling kuwarto. Kasama ko po sa kuwarto si Ate. Si kuya po [ay] may sarili nang kuwarto pati sina mommy at daddy,” anang child star.
 
Nag-rent lang daw sina Chlaui habang ipinapagawa ang kanilang bahay. Halos sampung taon din daw nila tiniis ang maliit na bahay kaya itinuturing ng child star na Christmas gift ang bagong gawang tirahan.