Showbiz News

Kilalanin ang traffic enforcer na turon vendor sa 'Magpakailanman'

By MARAH RUIZ

 
Nang maging viral ang litrato ng isang traffic enforcer na nagtitinda ng turon, marami ang pumuri sa kanyang pagsisikap na dagdagan ang kanyang kita sa marangal na paraan. Ngunit umani rin siya ng batikos mula sa ilang tao na nag-akalang ginagawa niya ito sa oras ng kanyang trabaho. 
 
Siya si Fernando Gonzales, isang MMDA traffic officer na suma-sideline bilang isang turon vendor sa kahabaan ng EDSA tuwing day-off niya. 
 
Inihahandog ng Magpakailanman ang kuwento ng buhay ni MMDA Traffic Enforcer 3 Fernando Gonzales. Ano nga ba ang nag-udyok sa kanya na maging turon vendor kahit siya'y isang traffic enforcer? 
 
Mula sa pagiging direktor, lilipat naman si Ricky Davao sa harap ng camera para gumanap bilang si Fernando. 
 
Ayon kay Ricky, narinig na niya ang tungkol kay Fernando Gonzales bago pa man ialok sa kanya ang role na ito. 
 
"Nakita ko na din siya sa Facebook. Na-excite ako noong binasa ko 'yung mga comments sa Facebook. May positive at may negative eh. Ang positive ay hindi nangongotong and he's doing something for his kids pala," paliwanag nito.
 
"'Yung mga negative naman, he's doing it during naka-uniform siya or during his office hours. Actually, hindi pala. 'Pag break time siya nag-gaganon (nagtitinda ng toron). Dapat ma-explain lang 'yun ng mabuti," dagdag niya. 
 
Dahil sa role na ito, narasan ni Ricky ang hirap ng pagiging isang traffic enforcer. 
 
"Dito sa trabaho, mahirap pala. Half-day pa lang ako nasa kalye na nagta-traffic, the noise pollution is too much. Lalo na pala if you're under the LRT or the MRT. Pangalawa 'yung busina at 'yung ugong ng kotse. Pangatlo, air pollution sobra! Ilang oras pa lang ako, ang sakit na ng ilong ko, ng lungs ko. What more sila? Ang hirap pala ng trabaho nila," wika ni Ricky. 
 
Eksklusibo namang nakapanayam ng GMANetwork.com si Fernando Gonzales. Ibinahagi niya kung paano natuloy ang proyektong ito. 
 
"Kailangan po [ng] clearance muna sa office kasi po dala-dala ko po 'yung aming organization, 'yung MMDA. 'Yung Magpakailanman, sila na po 'yung gumawa ng paraan para matuloy po itong proyekto na 'to," bahagi niya. 
 
Hinimok din niya ang mga viewers na abangan ang episode na ito. 
 
"Alam ko po na marami po ditong mapupulot na aral, lalong lalo na sa mga ama o 'yung magiging ama pa lang na gumaganap sa tungkulin nila sa loob ng bahay. 'Yung paggawa po ng mabuting paraan, 'yun po ang maipagmamalaki mo sa iyong anak, sa iyong asawa, lalong lalo na sa iyong kapitbahay," aniya. 
 
Tunghayan ang 'Traffic Enforcer, Turon Bestseller' sa Magpakailanman, Sabado, pagkatapos ng Pepito Manaloto.