Showbiz News

Barbie Forteza, ayaw magka-love life?

By AL KENDRICK NOGUERA

Kakaumpisa pa lamang ng taon kaya karamihan ay may kani-kaniyang goals na for 2015. Isa sa mga nagbahagi ng kanyang listahan si Kapuso actress at The Half Sisters star na si Barbie Forteza.

Inisa-isa ni Barbie ang mga plano niya ngayong taon sa ulat ni Lhar Santiago sa 24 Oras.

Nangunguna sa 2015 goals ni Barbie ang magpaka-sporty. “[Gusto ko na] mag-aral nang mag-bike dahil kahit 'yung previous shows kong nagawa, 'yon ang nire-require sa 'kin,” pahayag ng teen star.

Bukod pa rito, gusto rin ipagpatuloy ni Barbie ang surfing dahil naudlot daw ito last year.

Isang out of the country trip din ang gustong matupad ng The Half Sisters star. Bahagi niya, “Balak kong puntahan 'yung sister ko sa Chicago [USA] this year.”

Hindi raw kasama sa listahan ni Barbie ang pagkakaroon ng love life ngayon taon. Bakit kaya? “Siguro kasi hindi naman ako nagmamadali at saka hindi ako nai-i-stress na isipin 'yon,” sagot niya.

Pagdating naman sa career, hindi na kailangan pang magplano ni Barbie dahil hanggang ngayon ay umeere pa rin ang top-rating show na The Half Sisters.

“First time ko yatang magtrabaho ng Pasko na regular show, na hindi pelikula,” ani Barbie.

Masayang-masaya si Barbie dahil base sa ratings ng nangungunang Afternoon Prime soap, mukhang matagal-tagal pa itong mapapanood sa TV.

“Hanggang ngayon [ay] indefinite pa rin 'yung pagtatapos namin. Sobrang dami pa naming surpresang nakahanda,” pagtatapos ng The Half Sisters star.