Showbiz News

Empress Schuck, umaming may tampo sa Kapamilya network

By ANN CHARMAINE AQUINO

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Sa ginanap na press conference ng Kailan Ba Tama Ang Mali? nitong January 27, nakausap ng members of the press ang nagbabalik Kapuso na si Empress Schuck. Dito inilahad ng aktres ang kanyang tunay na saloobin tungkol sa kanyang paglipat sa GMA Network.
 
Ayon kay Empress, dalawang taon na umano siyang walang proyekto sa ABS-CBN kaya't naisipan niyang lumipat sa GMA. Aniya, go signal mula sa management ng kabilang istasyon ang kanyang naging sign sa paglipat.
 
"Nagpaalam naman kami. Tinanong namin [ng manager ko] kung okay sa kanila, sabi nila okay lang so siguro 'yun talaga 'yung sign. Sila na mismo 'yung nagsabi na okay lang. So okay po, mas maganda na may approval talaga."
 
Ginulat naman ni Empress ang lahat sa kanyang pag-amin na nasaktan siya dahil hindi siya nabibigyan ng mga proyekto sa ABS-CBN.
 
"Inaamin ko, talagang nasaktan talaga ako. Pero wala, kailangan nating mag-move on," pahayag ng aktres.
 
Dagdag ni Empress, "Parang hindi nila alam directly na nasasaktan ako. Pero siguro naman, obvious naman na siguro 'yun. Kasi, loyal naman ako sa kanila. Bata pa lang ako, nasa kanila na ako. Tapos, hanggang ngayon parang wala namang nagbibigay sa akin. Ako talaga, ang feeling ko talaga, na-hurt talaga ako. Hindi ko rin masyadong kinausap na, nasasaktan po ako kasi hindi ko naman kaya na diretsuhin sila."
 
Kuwento ni Empress, nakaka-move on naman na raw ito mula sa Kapamilya network at malaking tulong umano ang mga bago niyang kasama sa GMA. Aniya, "Nakaka-move on na. Kasi na-overwhelm ako sa pagiging mabait ng GMA sa akin. Hindi ko talaga inexpect na mabait 'yung mga tao. Pati 'yung mga artista mabait. Warm 'yung pagka-welcome nila sa akin kaya malaking tulong 'yun."
 
Maraming naging realizations ang aktres sa kanyang pinagdaanan. Pahayag niya, "Sinisi ko rin 'yung sarili ko, parang ang daming realities. Sinabi ko, ayoko nang mag-artista mga ganoon. Normal lang naman 'yun, tao lang din naman ako na napapagdaanan ko rin 'yung mga ganoong mga bagay. 'Yung mga down moments ganyan."
 
Sa panahong nabakante si Empress sa trabaho, itinuon niya ang kanyang atensyon sa pag-aaral. 
 
"Nag-aral po ako for a few months lang po. Short course, I took up marketing services sa Ateneo. So doon ko na lang inano 'yung sarili ko muna."
 
Bagamat may go signal na mula sa kanyang previous network, nahirapan pa rin umano si Empress sa pagdedesisyon sa kanyang career. 
 
"Mahirap po. Sobrang hirap. Hindi kami agad-agad talaga. Matagal din 'yung pag-uusap. Naalala ko pa matagal talaga 'yung usapan nina Tita Becky, nila mama, na 'yung pros and cons. Mahirap talaga sa akin kasi siyempre doon talaga ako lumaki. Kasi parang bagong school e. Dito galing school, kailangan mong grumaduate at lumipat sa ibang school. So bagong tao, bagong pakikisama."
 
Isang offer mula sa Kapuso network umano ang nagbigay muli sa kanya ng sigla. Kuwento ni Empress, "Sinabi ni Tita Becky na may offer dito, parang nabuhayan ako ulit ng loob. Tapos ganito pa 'yung binigay sa akin, parang bumalik lahat."