Showbiz News

Pagtataksil at paghihiganti sa 'Women in the Sun'

By MARAH RUIZ


 
Ano nga ba ang gagawin mo kung ang malaking kasalanang nakamit mo ay biglang bumalik matapos ng maraming taon? Gagamitin mo na ba itong pagkakataon para itama ang maling nagawa? O tuloy mo pa rin ba itong tatakbuhan at tatalikuran?
 
Ito ngayon ang hinaharap ni Donna Shin sa bagong Koreanovelang handog ng GMA, ang Women in the Sun. Sa likod ng ganda, yaman at tagumpay ni Donna, alam niyang nakamit niya ang lahat ng ito sa maling paraan. Bilang ampon, nangamba si Donna nang nagkaroon ng tunay na anak ang kinikilala niyang mga magulang. Kaya naman nang nakakuha siya ng pagkakataon, iniwan niya ang kanyang nakababatang kapatid sa istasyon ng tren at tuluyan na nga itong naglaho.
 
Makikilala ni Donna si April Yoon, isang stylist na makakatrabaho niya. Ang hindi niya alam, si April pala ang kapatid na pinagtaksilan niya 20 taon na ang nakalilipas. 
 
Si Kim Ji-soo ang gaganap bilang ang masikretong si Donna, habang katapat naman niya si Lee Ha-na bilang April. 
 
Nagkaroon ng maraming nominasyon sa 2008 KBS Drama Awards ang Women in the Sun. Kabilang na rito ang Excellence Award for an Actor in a Miniseries, Best Supporting Actor, Best New Actress at Popularity Award for an Actress. Ipinanalo naman nila dito ang Top Excellence Award for an Actress, Excellence Award for an Actress in a Miniseries, Best New Actor at Best Young Actress. 
 
Tunghayan ang buhay nina Donna at April sa Women in the Sun, simula sa Pebrero 2, Lunes hanggang Biyernes, bago ang The Ryzza Mae Show.