Showbiz News

Ang bagong gentleman thief na kagigiliwan ng lahat, 'Magic Kaito'

By MARAH RUIZ

 
Mahilig ka ba sa detective stories? Nakakaaliw gawing palaisipan kung paano maso-solve ang isang mystery. Pero minsan, nakakaintriga rin kung paano ang takbo ng istorya sa panig ng suspect. 
 
Paano niya ito pinaplano? Ano ang tumatakbo sa utak niya habang pinaplano at ginagawa niya ito? Ano ang dahilan niya para gawin ang mga ito? 

 
Narito na naman ang isang gentleman thief - si Kaito Kuroba ng Magic Kaito! Isa itong spin-off ng mystery series na Detective Conan na kasalukuyang umeere sa GMA ngayon.
 
Nang misteryosong mamatay ang ama ni Kaito, malalaman niya ang sikreto nito. Ang tatay pala niya ay ang Phantom Thief na tinutugis ng mga awtoridad. At mapapag-alaman din niyang may kinalaman ang isang secret organization na naghahanap ng Pandora Gem, isang mahalagang brilyanteng makakapagbigay sa isang tao ng walang hanggang buhay. 
 
Papalitan ni Kaito ang kanyang ama bilang si Phantom Thief at hahanapin ang Pandora Gem para mapigilan ang mga taong pumatay sa kanyang ama na makamit ito. Ang tanging alam niya ay kumikinang ang bagay na ito ng mamula-mula kapag naiilawan ng bilog na buwan. Kaya naman kung ano-anong mga brilyante ang ninanakaw niya, ngunit sinsasauli naman niya ang mga ito kapag napatunayan niyang hindi ito ang Pandora Gem. 
 
Mabuti ba si Kaito kung sa maling paraan niya nagagawa ang pagtatanggol ng mundo mula sa isang taong may maitim na balak?
 
Magic, adventure at mga palaisipan ang hatid ni Kaito Kid sa inyo. 
 
Samahan siya sa kanyang kakaibang pakikipagsapalaran sa Magic Kaito, simula February 21, pagkatapos ng Monsuno, dito lamang sa nangunguna at nag-iisang astig pagdating sa anime, GMA!