Showbiz News

Dating taga-That's Entertainment, 12 years nang nakakulong!

By MARAH RUIZ

 
Higit 12 years na ring nakakulong ang That's Entertainment alum na si Dennis Da Silva.
 
Isa siya sa mga up and coming actors noong late '80s at minsan na rin na-link sa actress na si Ruffa Gutierrez. Naudlot naman ang kanyang career nang malulong ito sa droga.
 
Naaresto si Dennis noong 2002 dahil sa panggagahasa nito umano sa minor de edad na anak ng kanyang live in partner. Hindi pa rin nareresolba ang kaso hanggang ngayon kaya nananatili si Dennis sa Pasig City Jail. 
 
"Ito 'yung lugar na walang katapusang pakikipagkaibigan at pakikisama. Medyo mahirap pero kailangan kayanin," paglalarawan niya sa piitan nang makapanayam siya dito ng Startalk.
 
Marami na ring natutunan si Dennis sa kanyang pagkakakulong.
 
"Dito natutoto kang disiplinahin ang sarili mo. Marami kang kailangan alisin. Kung meron ka mang ginagawa sa labas na hindi maganda, dito kailangan mong magbago," aniya.
 
Naghahanda na si Dennis para sa buhay sa labas ng kulungan. 
 
"Kailangan mong ayusin 'yung sarili mo, unang una sa lahat para paglabas, handa ka na talaga," dagdag nito. 
 
Inaako rin niya ang responsibilidad para sa kanyang mga aksyon.
 
"Tine-take ko 'yung blame kasi life is what you make it nga eh. Kaya siguro, walang pinakamaganda kundi baguhin. Ngayon nari-realize ko kung gaano kahalaga sana kung pinagbuti ko lang," wika ni Dennis.
 
Naibahagi rin ni Dennis na matapos ang ilang mga relasyong hindi nagtagal, nakahanap siya ng pag-ibig at pamilya. Regular namang nakakadalaw sa kanya ang pamilya ni Dennis.
 
"Sana mas tumibay pa 'yung pagsasama natin. Walang iwanan. I love you, sweetheart. Salamat, salamat sa napakaraming bagay," ani Dennis ng tanungin kung ano'ng mensahe nito para sa kanyang asawa. 
 
Nag-birthday si Dennis last week, kaya may dalawa siyang hiling - ang makalaya at ang walang sawang suporta ng kanyang pamilya para sa kanya.
 
"Ako'y naniniwala na lahat tayo ay may pag-asa," ayon kay Dennis.