Showbiz News

Kuya Germs, hindi napigilang umiyak habang nagpapasalamat sa mga taong tumulong sa kanya

By AL KENDRICK NOGUERA

 
Makalipas ang mahigit dalawang buwan pagkatapos ma-mild stroke si Master Showman German Moreno, unti-unti na siyang nakaka-recover sa dinanas na sakit.
 
Sa interview ni Kuya Germs sa 24 Oras, bakas pa rin sa kanya ang stroke dahil hindi pa ganoong maayos ang kanyang pagsasalita tulad ng dati.
 
“Well thank God na may second chance,” pahayag ni Kuya Germs.
 
Stress daw ang dahilan kung bakit na-stroke ang 71-year-old showbiz icon. “Well being in showbiz for so many years, maraming pinagdaanan, maraming iniisip, maraming stress. Hindi maalis 'yun eh,” pagpapaliwanag ni Kuya Germs.
 
Hindi pa makikita sa Walang Tulugan with the Master Showman dahil kailangan pa ng kaunting pahinga ni Kuya Germs. Pati sa radyo ay hindi pa rin maririnig ang kanyang boses.
 
Pero pag-amin ni Kuya Germs, miss na miss niya na raw ang showbiz. Aniya, “Siyempre nami-miss mo eh. Minsan nga sasakay ako sa sasakyan eh dumadaan kami rito, tinitingnan ko lang 'tong GMA eh.”
 
Hindi napigilang umiyak ni Kuya Germs habang nagpapasalamat siya sa mga taong nagdasal at tumulong sa kanya.
 
Malaki rin daw ang pasasalamat niya sa itaas. “Kaya ako nagpapasalamat sa ating Panginoon dahil alam kong may misyon pa ako. Marami pa akong plano,” anang Master Showman.
 
Video courtesy of GMA News