Showbiz News

LJ Reyes, takot nang magmahal ulit pagkatapos ng break-up nila ni Paulo Avelino

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Lagpas dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang mapabalitang hiwalay na sina LJ Reyes at Paulo Avelino. Pero kahit naka-move on na raw si LJ, hindi pa rin niya kayang umibig ulit pagkatapos ng mapait na karanasan.
 
Nang maghiwalay ang dalawang StarStruck alumni, naiwan sa puder ni LJ ang anak nilang si Aki. Pero kahit na siya ang mag-isang nagpapalaki sa bata, hindi naman daw sila pinapabayaan ni Paulo lalo na sa pinansyal.
 
Ngayon ay maayos naman ang relationship ni LJ kay Paulo at wala na siyang nararamdamang sakit dahil sa kanilang break-up noong 2013.
 
Sa Love Hotline, tinanong ng host na si Jean Garcia kung ready na bang magmahal ulit si LJ. Anang Yagit star, mayroon daw siyang dahilan kung bakit hindi niya tuluyang mabuksan ang kanyang puso. 
 
Napakahalaga raw sa kanyang next relationship si Aki. Natatakot kasi siya na baka hindi matanggap ang kanyang pagiging isang single mom.
 
“Siyempre kung papasok ka sa isang relationship, dapat ay nakikita mo siya as a partner. At siyempre kapag partner mo siya, dapat ay partner mo rin siya sa pagpapalaki sa anak mo. Eh ang mahirap doon, okay naman kami pero doon [sa anak ko] hindi,” pahayag ni LJ.
 
Wala pa raw kaalam-alam si Aki noong maghiwalay sila ni Paulo. Aniya, “Kasi noon, medyo naging conscious na siya sa nangyayari na wala na kami ni Pau. Hindi na kami together. So nasanay siya na mayroong Daddy's house at saka Mommy's house.”
 
Natatakot si LJ na masaktan si Aki kung sakaling hindi magiging maganda ang kanyang next relationship. “Sabihin na nating makakahanap ako ng magiging partner namin ni Aki in life tapos after a few years [ay] biglang maghiwalay. Siyempre magiging parang second dad niya ‘yon," bahagi niya.
 
Dagdag pa niya, “Ayoko namang mangyari ulit sa kanya ‘yon. I’m sure pagtanda niya, mafi-feel niya pa rin ‘yung heartache na naghiwalay kami ni Pau eh. Pero ‘yon, ayoko lang sanang mangyari nang pangalawang beses.”
 
Sa huli, hindi pa raw handa sa ngayon si LJ na magmahal muli pero bibigyan niya raw ito ng chance. “Gusto kong maging ready dahil masarap naman 'yung pakiramdam. Pero tingnan natin, I think, slowly [ay magiging ready ako],” pagtatapos ng Yagit star.