Showbiz News

Empress Schuck, kinumpirma ang pagbubuntis

By MARAH RUIZ

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Naging usap-usapan sa mga sulok ng internet ang ilang blind items na tungkol sa pagbubuntis umano ng isang aktress na kalilipat pa lamang ng network at kasalukuyang bida ng isang teleserye. Ayon din sa blind items, three months pregnant na raw ang aktres at ang ama ng bata ay ang kanyang non-showbiz boyfriend na mula sa isang political clan. 
 
Marami ang nag-isip na si Empress Schuck ang tinutukoy ng mga blind items. Tugma sa kanya ang lahat ng clues. Kalilipat pa lamang ni Empress sa GMA noong nakaraan taon. Isa din siya sa mga bida ng Afternoon Prime soap na Kailan Ba Tama Ang Mali?

READ: Empress, may tampo sa ABS-CBN
 
Ngayon, sa isang exclusive interview sa Startalk, kinumpira na ni Empress ang kanyang pagbubuntis.
 
"Kasama ko yung boyfriend ko noon, may feeling na talaga ako noon so I took a test. Ayun, nalaman namin na magkaka-baby na nga kami," nakangiti niyang kuwento sa kanyang kaibigan na si Jennylyn Mercado na siyang nag-interview sa kanya. 
 
Tatlong buwan na din ang dinadala ni Empress. Umamin naman siyang naiyak siya nang nalaman niyang nagdadalantao nga siya. 
 
"Natakot talaga [ako]. Siyempre hindi ko alam kung anong gagawin ko. Hindi ko alam kung anong magiging reaction ng mga kaibigan ko, ng pamilya ko, ng public, mga katrabaho ko," bahagi ng 22 anyos na aktres. 
 
Ibinagahi naman ng Kailan Ba Tama Ang Mali? star ang ilang detalye tungkol sa kanyang non-showbiz boyfriend.
 
"His name is Vino. He's a family friend. We've been together for a year now. Galing kami sa isang hometown, sa Zamboanga," ayon kay Empress.
 
Masaya din daw siya dahil magkasama nilang haharapin ang kanilang sitwasyon. Sa katunayan, kasama niya ito, pati na din ang kanyang manager na si Becky Aguila, nang ipaalam nila sa ina ni Empress ang tungkol sa kanyang pagbubuntis. 
 
"Hinanda ko na yung sarili ko na hindi magiging madali. Ang reaction ni Mama, siyempre nagalit siya. Na-disappoint siya. Pero pagkatapos naman nun, naging okay na din siya," kuwento niya. 
 
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Empress sa kaniyang mga magulang dahil alam niyang lagi siyang sinusuportahan ng mga ito.
 
"Unang una, gusto kong magpasalamat sa suporta na binigay nila, sa pagiintindi, sa pagmamahal. Gusto ko din mag-sorry sa disappointment na binigay ko sa kanila. Sana sa ibang pagkakataon, makabawi ako sa kanila," ani Empress.
 
Gusto naman daw niyang ituloy ang kanyang showbiz career pagkatapos niyang manganak.
 
"Siyempre laging nasa isip ko 'yun. Sino ba namang hindi matutuwa kung bibigyan ka ulit ng isang pagkakataon," panimula niya. 
 
Ngunit alam ni Empress na hindi madali ang mawala at bumalik sa showbiz. 
 
"Pero siyempre, hindi din naman ganun kadali na bumalik agad. Kailangan mag-prepare ako. Kailangan mag-ready talaga ko. Sana kung dumating na 'yung panahon na ready na ko at lahat, sana nandiyan pa din sila para tanggapin ako."