Showbiz News

Marian, napapatili sa mga eksena ng 'The Rich Man's Daughter'

By MARAH RUIZ, interview by MICHELLE CALIGAN
 
Sa summer station ID pa lang ng GMA Network, nabigyan na ang mga manonood ng pahapyaw na ideya kung ano ang dapat asahan sa The Rich Man's Daughter, ang upcoming soap opera at comeback project ni Primetime Queen Marian Rivera. Marami ang nakapansin sa mga titigang may laman sa pagitan ni Marian at ng isa pang mahusay na Kapuso actress na si Glaiza de Castro. 
 
Gaganap si Marian bilang si Jade, isang anak mayaman na mahuhulog ang loob sa kapwa babaeng si Althea, na gagampanan naman ni Glaiza.
 
Aminado naman si Marian na minsan ay nagkakailangan pa silang dalawa sa kanilang mga eksena. 
 

"Oo! Ako din naman naiilang din naman ako. After take, 'Waaaah!' Gumaganoon talaga ko," bahagi nito.
 
Handang handa naman daw silang dalawa para sa challenging role na ibinigay sa kanila. 
 
"Ang ganda dito kasi bago sa amin. Mas masarap siyang paglaruan. Hindi pa namin nagagawa, at the same time, ang sarap 'pag lumalabas ka sa box mo eh," dagdag pa nito. 
 
Ayon kay Marian, madalas silang mag-usap ni Glaiza bago ang kanilang mga eksena. 
 
"[Pinag-uusapan namin] kung paano 'yung gagawin, paano niya 'ko hahawakan, paano kami magtititigan, panno 'yung pagdi-deliver ng mas kapanipaniwala 'yung mga eksena. Ang maganda naman sa 'min ni Glaiza, nagtutulungan talaga kaming dalawa," kuwento nito.
 
Paano naman nila nalagpasan ang pagka-ilang?
 
"Naniniwala ako na 'pag artista ka, lahat posible, lahat puwede mong gawin," paliwanag ni Marian.