Showbiz News

Willie Revillame, dating dyaryo boy at barker ng jeep

By AEDRIANNE ACAR
 

Bago natamasa ng Wowowin host na si Willie Revillame ang marangyang buhay, dumaan sa matinding pagsubok ang TV host-comedian noong kabataan nito. 
 
Sa interview sa kanya sa isang show, nilahad ni Willie ang buhay niya bago mag-showbiz at ang malungkot niyang kuwento na produkto siya ng isang broken family.
 
Kuwento ni Willie, “Na-experience ko ‘yung nakatira ako sa nanay ko na iba ang asawa. Nakatira ako sa tatay ko iba ang asawa. Babalik ako sa nanay ko iba ang asawa. Nabuhay ako ng halos ako mag-isa.”
 
Dati raw nagtatrabaho ang kanyang ina sa isang canteen at dahil hindi matutukan ng kanyang ina ang pag-aalaga sa kanya at sa mga kapatid, siya na rin daw minsan ang tumatayong tagapag-alaga sa mga ito.
 
Aniya, “Ang nanay ko naman. Alam ko sa sugalan siya nagluluto dun ganun. Naiiwan ako sa bahay, hanggang nagkaroon siya ng anak sa ibang lalaki.”
 
“Ako naman ang nag-aalaga nun. Kaya alam ko magsaing, alam ko magprito ng itlog, puwedeng mag tuyo, tinapa alam ko 'yan.”
 
Natuto magbanat ng buto
 
Sa hirap ng buhay, kinailangan ni Willie magbanat ng buto sa murang edad. Ilan daw sa mga naging trabaho niya ang magtinda ng dyaryo at maging barker. 
 
Saad ni Willie, “Di ko nakakalimutan ‘yung Bustamante street. Barker ng jeep. Meycauayan-Malinta. Pagkatapos naglilinis ako ng jeep. Naglilinis ako ng jeep ‘yung krudo. Alam mo ‘yung lagayan ng mga langis, may basahan ako. Bibili ka sa palengke, ku-kruduhan mo ‘yung jeep.”
 
Bayad daw sa kanya sa paglilinis ng jeep ay mga baryang nahuhulog sa mga upuan. 
 
“Ngayon sa jeep alam mo ‘yun mayroon ‘yung silya, may leather. Tatanggalin mo silya, ‘yung may mga nahuhulog na barya ‘yun ang bayad sa akin ng jeepney driver.”