Showbiz News

Fundraising project, ihinahanda para kay Rico J. Puno

By CHERRY SUN

Isang fundraising project ang ikinakasa ni Richard Merck para sa kanyang matalik na kaibigang si Rico J. Puno na sumailalim sa isang open heart surgery.

Ayon kay Richard, ang beteranong singer mismo ang nakiusap sa kanyang doktor na gawin na agad ang operasyon noong Linggo kahit na katatapos lang ng angiogram nito noong Biyernes.

Pahayag niya sa 24 Oras, “Nagkaroon po siya ng triple bypass, tatlong arteries po ‘yung barado eh. Pero higit po dyan, ‘yung aorta niya, malaking ugat po doon sa may puso ay may sugat po.”

Tumagal raw ng sampung oras ang bypass operation ni Rico sa isang ospital sa Alabang. Gayunpaman, naging matagumpay ang isinagawang procedure.

“Ngayon po siya’y mahimbing na natutulog. Matagal po ‘yan, siguro mga isang linggong magtututulog ‘yang si Rico. Papatulugin ‘yan, mamamahinga,” patuloy ni Richard.

Isang fundraiser ang ihinahanda niya kasama ang ilan pang malalapit na kaibigan ni Rico para makatulong sa malaking gastusin sa ospital.

Kwento niya, bawat plano raw nila ay ipinapaalam nila sa anak ni Rico na si Makati Councilor Tosca Puno. Si Tosca ay lagi ring nagbibigay sa kanila ng updates tungkol sa kondisyon ng kanyang ama.

Panawagan ni Richard, “Suportahan natin ang lahat ng fundraising shows po para kay Rico sapagkat nangangailangan po si Rico ngayon.”

Video courtesy of GMA News