Sino ang mas nasaktan sa breakup nina Kristoffer Martin at Joyce Ching?
Published On: May 19, 2015, 03:55 PM
Updated On: June 15, 2020, 10:40 PM
By AL KENDRICK NOGUERA
Alam na naman ng lahat na matagal nang hiwalay ang Healing Hearts stars na sina Kristoffer Martin at Joyce Ching.
Ayon sa teen stars, kumportable na ulit sila sa isa't-isa dahil wala na raw silang ilangan. Sa katunayan nga raw ay magkaibigan na sila ulit.
Pero kung tatanungin, sino ba sa kanila ang mas nasaktan sa kanilang breakup? "Siguro iba 'yung sa kanya, iba rin 'yung sa 'kin. Wala naman sigurong parehas na sakit. Kung titingnan mo sa ibang perception, mababaw 'yung isa pero malalim pala 'yung sa kanya," sagot ni Kristoffer.
Kuwento ni Joyce, medyo matagal din siya bago naka-move on. Aniya, nagtataka raw siya noon kung bakit lagi pa rin sila magkausap kahit hiwalay na sila ni Kristoffer.
"Nakakatawa lang po kasi kami 'yung naghiwalay pero parang kami rin 'yung naging sandalan ng isa't-isa kapag may sad moments kami. Kami pa rin 'yung nag-uusap," pahayag ni Joyce.
Bahagi ni Kristoffer, hindi raw talaga nawala 'yung friendship nila ni Joyce. "Naalis lang 'yung romantic side pero na-preserve naman 'yung friendship namin. 'Yon 'yung maganda sa amin," saad niya.
Nanatili rin daw ang pagiging caring ni Kristoffer kay Joyce. "Personality niya talaga 'yung pagiging malambing at maalaga," pagtatapos ni Joyce.