Showbiz News

Cast ng 'My Mother's Secret,' humarap sa media

By MARAH RUIZ

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
 
Excited na ang cast ng My Mother's Secret na ibahagi ang kuwentong bibigyan nila ng buhay. 
 
Sa isang press conference na ginanap sa GMA Network Center, humarap sa media sina Christian Bautista, Gwen Zamora, Kiko Estrada, Kim Rodriguez, Lotlot de Leon, Diva Montelaba, Shamaine Buencamino, Enzo Pineda, Joanna Marie Tan at Tricia Cabais. Kasama rin nila ang direktor ng programang si Neal del Rosario. 
 
Ang My Mother's Secret ay kuwento ni Vivian (Gwen Zamora), isang artistang lihim na magdadalantao. Ipamimigay niya ang kanyang anak upang ipagpatuloy ang kanyang showbiz career. Mauudlot naman ang kanyang pag-aartista dahil sa pagkadawit sa isang iskandalo. 
 
Uuwi si Vivian at makakatagpo muli ang dati niyang kasintahang si Anton (Christian Bautista). Magpapakasal ang dalawa at susubukang bumuo ng pamilya ngunit mahihirapan ang mga ito. At magkakasakit pa si Anton, na mangangailangan ng liver donor. Mapipilitan ngayon si Vivian na hanapin ang anak na ipinamigay niya noon upang matulungan ang kanyang asawa. 
 
Maamin kaya ni Vivian kay Anton na nagbunga na noon ang kanilang pag-ibig? Paano siya babawi kay Neri (Kim Rodriguez), ang anak na napagkaitan niya ng maayos na buhay?
 
Eksklusibo rin nagpakita ng ilang mga eksena mula sa My Mother's Secret sa naturang press conference. Tuwang tuwa naman ang marami sa eksena ni Christian kung saan may karga siyang bata.
 
"Gusto ko nang maging tatay," biro nito at ibinahaging lubos daw siyang na-touch sa nasabing eksena.
 
Tampok din sa My Mother's Secret si Meryll Soriano na nagbabalik sa GMA. May espesyal ding partisipasyon si Mark Herras na dapat abangan. 
 
My Mother's Secret, Lunes hanggang Biyernes, simula May 25, bago ang 24 Oras