Showbiz News

'Motorcycle Diaries' presents 'Foreignay sa Fiesta'



Ngayong buwan ng mga Fiesta, umarangkada si Jay Taruc para dumayo sa dalawang bayang may kakaibang pistang ipinagdiriwang - ang Alimango Festival sa Quezon at Carabao Festival sa Bulacan. Aangkas kay Jay ang dalawang espesyal na panauhin kung saan masusubok ang kanilang pusong Pinoy – ang Kapuso stars at You’re my Foreignay winner na sina Dasuri Choi at Natalia Moon!
 
Ipinagdiriwang sa Calauag sa probinsiya ng Quezon ang Katang o Alimango Festival. Kasama ang Australian Foreignay na si Natalia Moon, makikihataw sa sayawan at rarampa sa parada sila Jay. Sasali rin sila sa crab tying contest at makikisaya sa karera ng mga alimango. Sa piyesta hindi rin mawawala ang masasarap na pagkain pero bago nila matikman ang iba't-ibang luto sa mud crabs, kayanin kaya nila ang panghuhuli ng alimango sa putikan? 
 
Sa pista naman ni San Isidro Labrador sa Pulilan sa Bulacan o ang tinaguriang "Carabao Festival" nakisaya ang Korean Foreignay na si Dasuri Choi.  
 
Ang tampok sa pistang ito, ang pagluhod ng mga kalabaw! Pero hindi lang makiki-indak si Dasuri sa mga street dancers sa parada dahil ilang hamon din ang ibinigay ni Jay sa kanya. Masusubukan ang pusong Pinoy ni Dasuri sa ilang tradisyon ng mga magsasaka tuwing pista gaya ng pagpapakain, pagpapaligo at paggayak sa mga kalabaw na isinasali sa parada! Kayanin kay ni Dasuri ang hamon ni Jay? 
 
Makiindak at makihataw sa mga Pinoy Fiesta kasama ang mga Kapuso Foreignays ngayong Huwebes 10 pm sa 2015 New York Festivals Bronze World Medalist - MOTORCYCLE DIARIES sa GMA NEWSTV Channel 11!