Showbiz News

Tatlong pasabog na dapat abangan sa GMA Telebabad

By MICHELLE CALIGAN



Ihanda ang mga sarili simula 7:50 ng gabi ngayong Lunes dahil malalaking pasabog ang hatid ng Pari 'Koy, Let the Love Begin at The Rich Man's Daughter sa darating na linggo.

Sa Pari 'Koy, malalaman na ni Michelle na buhay pa ang anak nila ni Father Kokoy at ito nga ay si Pinggoy. Magugulat si Kokoy sa mga pangyayari, kaya magdedesisyon sila ni Michelle na huwag na munang sabihin kay Pinggoy na ang kanyang Ninong Pari 'Koy ay ang kanyang tunay na ama. Maririnig ni Kap Jude ang pag-uusap ng dalawa, at dito niya matutuklasan ang kanilang lihim. Ano kaya ang gagawin ni Kap Jude? Paano haharapin ni Fr. Kokoy ang eskandalong kasasangkutan niya kapag nabunyag na may anak pala siya?

LOOK: A grand welcome for Father Kokoy 



Hindi lang si Lulu ng Yagit ang patay na muling nabuhay, dahil ang ina ni Pia sa Let the Love Begin, buhay din pala! Ano ang gagawin ni Tony ngayong alam niyang buhay ang kanyang unang asawang si Sofie? Makikilala kaya ni Pia ang kanyang ina gayong sinasabi ni Celeste na may ibang babae ang kanyang ama? Makakaligtas kaya si Tony sa gagawin ni Celeste sa kanya dahil hindi nito matanggap na handa siyang iwan ni Tony para kay Sofie? Good news naman na si Erick ay makikitaan ng galing sa pagiging DJ ni Jom kaya kukunin niya ito bilang pinakabagong radio personality, si OneDi. Paano haharapin nina Erick at Pia ang mga pangyayaring ito?

READ: Why Ruru Madrid likes Gabbi Garcia without makeup 



Patuloy namang ipaglalaban nina Jade at Althea ang kanilang pagmamahalan sa The Rich Man's Daughter. Sa kagustuhang paghiwalayin ni Oscar sina Althea at Jade ay magbibigay ito ng 100 milyong piso sa sino mang lalaki na mapapangasawa ni Jade. Hanggang saan nga ba kayang dalhin ni Oscar ang kanyang pagbawi kay Jade? Unti-unti na ring lalabas ang mga lihim ng mga Tanchingco, kabilang na ang pagkakaroon ng ibang babae ni Gabriel. Sa mga matitinding pagsubok sa kanilang pamilya, sino kaya ang papanigan ni Amanda? Patuloy kaya niyang susuportahan ang lahat ng balak ng kanyang asawa o mananaig ang kanyang pagiging ina at ipagtanggol na niya ang kanyang mga anak?

READ: Al Tantay speaks up about Oscar's actions 

Huwag palampasin ang mga rebelasyong yayanig sa buhay ng mga tauhan ng Pari 'Koy, Let the Love Begin at The Rich Man's Daughter simula ngayong Lunes, June 8, sa GMA Telebabad.