Showbiz News

Krystal Reyes, humihingi ng tips sa pagsampal kay Joyce Ching

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Ang dating inaapi, kontrabida na ngayon. 'Yang ang malaking transformation ng Kapuso teen actress na si Krystal Reyes sa pagganap niya sa role ni Chloe sa Healing Hearts.
 
Nagkabaliktad ng roles sina Krystal at Joyce Ching sa Afternoon Prime soap. Mula sa pagiging kontrabida, si Joyce naman ngayon ang aapihin.
 
"Maraming beses ko po siyang sasampalin at sasabunutan," natatawang ibinahagi ni Krystal ang mga dapat abangang eksena nila ni Joyce.
 
Dahil mas beterano si Joyce sa pagiging kontrabida, humihingi raw ng tips si Krystal sa kanyang co-star.
 
"Paano raw po manampal. Mali 'yung ginagawa ko. 'Pag 'yon pala 'yung ginamit ko, mas masakit. Kaya tinuro niya sa 'kin ['yung tama]. Mars, dapat ganito para hindi masakit," kuwento ni Krystal.
 
Ani Joyce, kailangan niya raw turuan ng tamang pagsampal si Krystal dahil kung hindi, siya raw ang masasaktan. 
 
Dahil nagkatrabaho na sina Krystal at Joyce sa ilang projects tulad ng Anna KarenNina, hindi na raw sila gaanong nahihirapan sa kanilang mga eksena ngayon sa Healing Hearts.

"Para sa 'kin po mas madali kasi hindi ko na po kailangang mangapa, hindi ko na kailangang mahiya. Uy, okay lang sabunutan kita ha. Hindi na po kailangan ng mga tanong na ganoon. Mars ha, sabunutan kita hawakan mo na lang ako 'pag masakit," kuwento ni Krystal.
 
"'Yung mahirap na part [ay] dahil sobrang close na namin. Parang minsan nabibigla kami 'pag kailangan naming mag-away. Natatawa kami," dagdag pa niya.