Showbiz News

Joanna Marie Tan, maraming maiuuwi mula sa 'My Mother's Secret'

By MARAH RUIZ

 
Huling dalawang linggo na ng seryeng My Mother's Secret kaya naman puspusan na sa taping ang cast at crew nito. 
 
Bittersweet para sa mga bituin ng serye ang nalalapit na pagtatapos nito. Isa na rito si Joanna Marie Tan na gumaganap bilang si Karen. Marami naman daw siyang mababaong aral mula rito, lalo na galing sa gumaganap na nanay niya sa seryeng si Meryll Soriano. 
 
"Kasi 'yung unang scenes ni Stella at Karen medyo pa-comedy. Habang nage-eksena kami, bubulungan niya ko. Very supportive si Ate Meme eh. Bibigyan ka niya ng mga tips," kuwento ni Joanna sa eksklusibong panayan sa GMANetwork.com. 
 
WATCH: My Mother's Secret: Neri vs. Karen 
 
Ano namang klaseng tips ang binibigay sa kanya ni Meryll?
 
"Kunwari may nakikita siyang puwede mo pang i-improve sa sarili mo, sasabihin niya sa 'yo. Mga simpleng bagay pero nakakatulong," ayon dito.
 
Bukod sa mga pagi-improve ng kanyang pag-arte, natuto rin daw si Joanna na lumabas sa kanyang comfort zone. Ito rin ay dahil hindi na siya sinasamahan ng kanyang ina sa taping. 
 
"Mas nakaka-bonding ako sa kanila (cast), hindi katulad dati na alagang alaga pa. Ngayon mas nakakausap ko sila. Kasi 'di ba 'pag may kasama ka nandun ka pa sa comfort zone mo," bahagi ni Joanna. 
 
WATCH: My Mother's Secret, ang huling dalawang linggo 
 
Mas natuto na rin siyang maging responsable dahil siya na ang nag-aasikaso ng kanyang sarili sa taping. 
 
"'Yun naman 'yung pinaka hindi ko makakalimutan na experience dito sa My Mother's Secret. First time na nag-series ako na hindi ko na kasama si Mama. Noong una medyo mahirap. Dati si Mama nag-aayos lahat eh. Ngayon, ako na talaga. Pati paggising ako!" dagdag pa nito.
 
Abangan si Joanna bilang Karen sa huling dalawang linggo ng My Mother's Secret, Lunes hanggang Biyernes, bago ang 24 Oras.