Showbiz News

Gerphil Flores, may pangarap pang hindi natutupad

By MARY LOUISE LIGUNAS

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
 
Nakaabot man siya sa finals ng Asia’s Got Talent, inamin ni Gerphil Flores na meron pa siyang isang pangarap na pinagtratrabahuhan.
 
“Sana po makapagtapos [ako] ng pag-aaral,” sabi niya sa hosts ng Walang Tulugan.
 
Kasalukuyan ay nasa huling semester ng kolehiyo si Gerphil.
 
“Matatapos ko po ngayong December 'yung nag-iisang semester [ko] na lang po sa UP Diliman. After po nun, sana magpatuloy na po na magkaroon na rin ng album,” dagdag niya.
 
Kapag napagkalooban si Gerphil ng pagkakataon na mag-record ng kanyang sariling album, gusto niya ng mixed genre lineup.
 
“Siguro po [gusto ko] 'yung crossover music, meaning I will be bridging from classical to pop. Puwede kong kantahin 'yung mga modern songs pero in a classical manner,” wika niya.
 
Nang siya’y tanungin kung gusto niyang maging artista, sinabi ni Gerphil na prayoridad niya ang pagiging isang mang-aawit.
 
“Sa ngayon po, mas gusto ko munang maka-establish ng pangalan bilang isang recording artist, isang singer. Pero eventually, baka puwede rin po mag-segue into acting,” aniya.