Showbiz News

Rainier Castillo, paborito ang araw ng tanggalan sa 'StarStruck'

By MARY LOUISE LIGUNAS
 
Kung iba ay natatakot o nangangamba tuwing darating ang elimination day sa StarStruck, kabaliktaran ang nararamdaman ni Rainier Castillo.
 

Naaalala niya noong siya’y contestant pa ng reality-based artista search, ito ang isa sa pinaka-exciting na araw para sa kanya.
 
“Favorite moment ko lagi 'yung tanggalan kasi nandoon 'yung kaba, nandoon 'yung excitement saka doon lahat lumalabas [ang] tunay na ugali namin,” kuwento niya sa GMANetwork.com.
 
Hindi man niya naiuwi ang titulong Ultimate Male Survivor, proud siya sa lahat ng kanyang napagdaanan at nagpapasalamat para sa pagbabago na dinala ng pagsali sa programa sa buhay niya.
 
“StarStruck ang pinaka-nagbago ng buong buhay naming lahat kasi lahat kami, [sa StarStruck] nag-umpisa. Lahat ng mga pangarap namin, [sa StarStruck] natupad. Diyan nag-start lahat,” dagdag niya.
 
Labing dalawang taon na ang lumipas mula noong siya’y sumali pero naaalala niya pa rin kung paano siya napabuti ng programa.
 
“Ang dating Rainer,mahiyain. Talagang hindi ako masyadong malapit sa mga tao. Ngayon, masasabi kong makapal na mukha ko,” patawa niyang sinabi.
 
Dahil sa StarStruck, hindi lang niya natutunang maging mabuting artista ngunit naging mas matatag na tao rin siya.
 
“Laging do your best sa lahat ng ginagawa, [sa] lahat ng challenges, [hindi lang sa showbiz pero] kahit sa tunay na buhay,” aniya.