Showbiz News

Isang makapangyarihang robot ang makikilala sa 'Nobita and the Steel Troops - The New Age'

By MARAH RUIZ
Photo By: © Fujiko-Pro, Shogakukan, TV-Asahi, Shin-ei, and ADK 2011
 
Makakahanap si Nobita ng isang malaking robot!
 
Makikita niya ang mga bahagi nito sa North Pole matapos niyang sumunod kay Doraemon. 
 
Sakto naman dahil kamakailan lang ay ipinagyayabang na naman ni Suneo ang kanyang laruang remote-controlled robot. 
 
Susundan siya pauwi ng isang lumulutang na orb na siya naman magdadala ng iba pang bahagi ng robot sa kanilang bakuran.
 
Maiisipan nina Doraemon at Nobita na kumpunuhin ang robot sa Mirror World. Nang matapos nila ito, iimbitahan nila si Shizuka para makipaglaro rito. Papangalanan nila itong "Zanda Claus."
 
Aksidente namang makakapindot si Shizuka ng isang button kay Zanda Claus at bigla itong magpapakawala ng isang laser beam. Makakasira sila ng isang skyscraper at dahil sa takot ay uuwi ang tatlo at iiwan ang robot sa Mirror World. 
 
Samantala, sa bahay nina Nobita, patuloy palang nagpapadala ng mga mensahe ang lumulutang na orb sa tunay na may-ari kay Zanda Claus. 
 
Sino ito at bakit mayroon siyang makapangyarihang robot? Gagamitin ba niya ito sa kabutihan o kasamaan?
 
Abangan ang Doraemon Movie: Nobita and the Steel Troops-The New Age. Panoorin ang Part 1 sa November 14, pagkatapos ng Cross Fight B-Daman at ang Part 2 naman sa November 15, pagkatapos ng Tobot sa Astig Authority ng GMA!