TV

Karelasyon: Maraming lihim na relasyon ang mabubunyag sa 'Apartment'

Nagkasundong kumuha ng isang presentableng apartment sina AJ (Martin del Rosario), Perry (Jeric Gonzales) at James (Mark McMahon).

Ito ay para magkaron sila ng isang lugar na magsisilbing regular na tagpuan para sa mga babaeng may lihim na relasyon sa kanila.

Ang mga magkakaibigang lalaki na ito, ginawa nang hanapbuhay ang pagkakaron ng mga kalaguyo kagaya nina Donna (Jackie Lou Blanco) at Sally (Angelina Kanapi) --- mga babaeng may edad na, subalit mayayaman kaya nagagawang buhayin sila kapalit ng kaunting aliw at atensyong hindi na nila nakukuha sa kanilang mga mister.

Ang akala ni AJ, magiging masaya na siya sa klase ng buhay na ganito ---- na hindi man normal ay napakagaan at komportable naman.
Magbabago lang ang lahat nang makilala niya si Alex (Jackie Rice) na maganda at ka-edad niya na nagkataong naninirahan din sa parehong apartment compound. 

Dito magsisimula ang isang gulo na magiging dahilan para mabunyag ang mga pinakatatagong mga sikreto --- ang mga lihim nila AJ at Alex, pati na rin ng mga taong naging dahilan kaya sila napunta pareho sa apartment compound na 'yun.

Isa na namang mainit na kwento ang itatanghal ng Karelasyon ngayong Sabado!

Tampok sina Martin del Rosario at Jackie Rice, kasama sina Jeric Gonzales, Mark McMahon, Angelina Kanapi at Ms. Jackie Lou Blanco, sa panulat at direksyon ni Adolf Alix, Jr at paglalahad ni Ms. Carla Abellana, abangan ang storyang ito ngayong November 28, pagkatapos ng 'Eat Bulaga.'