Marian Rivera, nag-e-enjoy sa pagganap ng kanyang role sa 'Balota'

Mapapanood ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa 2024 Cinemalaya entry na Balota, na co-produced ng GMA Pictures kasama ang GMA Entertainment Group, in cooperation with Cinemalaya.
Sa “Chika Minute” report ni Lhar Santiago para sa 24 Oras, ibinahagi ng My Guardian Alien lead star na nag-e-enjoy siya sa pagganap sa kanyang karakter na si Emmy, isang guro na nagsisilbi sa eleksyon.
Sa kuwento ng pelikula, itatakbo ni Emmy sa gubat ang ballot box na naglalaman ng huling kopya ng election results nang magkaroon ng kaguluhan sa kanilang bayan.
“Parang ang dami kong na-e-experience and na-e-explore doon sa character ni Teacher Emmy. Super enjoy ko siyang ginagawa,” aniya.
Bukod dito, excited na rin ang asawa ng award-winning actress na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na mapanood ang Balota.
“Kasi pinapakita ko sa kanya 'yung mga pictures behind the scenes e. So na-e-excite rin siya,” ani Marian.
Mas lalo pang nai-inspire si Marian na gumawa ng mga challenging role dahil nabibigyan ng pagkilala ang kanyang trabaho bilang aktres.
“Nakakataba ng puso na itong mga ginagawa namin ay na-a-appreciate ng ibang tao at nagbibigay halaga para sa kanila,” pagbabahagi niya.
Makakasama ni Marian sa Balota sina Will Ashley, Royce Cabrera, Raheel Bhyria, Gardo Versoza, Mae Paner, Nico Antonio, Donna Cariaga, Joel Saracho, Sue Prado, Esnyr, at Sassa Gurl.
Kasalukuyang bumibida si Marian bilang Katherine/Grace sa family series na My Guardian Alien, na mapapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA, Pinoy Hits, at Kapuso Stream.
Mapapanood din ang programa sa oras na 10:30 p.m. sa GTV.
Samanatala, silipin ang naganap na story conference ng Balota sa gallery na ito.













