Showbiz News

'Walang Tulugan' host John Nite, inalala ang huling sandali ni Kuya Germs

By CHERRY SUN

Sa panayam ng Unang Hirit ay ginunita ng Walang Tulugan host na si John Nite ang huling sandali ng kanyang tiyo at Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno.

READ: Kapuso stars mourn the death of Kuya Germs

Ayon kay John ay biglaan ang naging pagpanaw ni Kuya Germs. Pag-alala niya ay lumabas pa sila kamakailan para ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang kapatid. Masigla rin daw noong nakaraan Pasko at Bagong Taon ang Master Showman. Sa katunayan ay dumalo pa siya sa Kapuso Countdown to 2016.

LOOK: Kuya Germs, sinalubong ang 2016 kasama ang mga Kapuso

January 6 pa huling nakausap ni John ang kanyang tiyo. Aniya, nagplano sila tungkol sa taping ng kanilang programa na gaganapin sana ngayong araw at pati na rin sa 20th anniversary ng Walang Tulugan ngayong taon. Inabutan din daw siya ni Kuya Germs ng isang Chinese ampao na naglalaman ng mga barya para magdala sa kanya ng suwerte.

Ibinalita rin ni John na noong mga nakaraang araw ay rineklamo ni Kuya Germs ang pagsumpong ng kanyang hyperacidity, at ilan pang pananakit sa kanyang likod at kasu-kasuan. Sa kabila noon ay malinaw at malinis pa rin daw ang naging resulta ng laboratory tests nito.

Bahagi ni John, “Masaya siya, masaya siya. Only to find out na nung tinawag ako ng 7 o’ clock kahapon ng umaga, mga 7:30, nakita ko siya sa bed niya na unresponsive. Hindi kumikibo at siyempre tinanong ko kaagad ‘yung nurse, ‘Ano bang nangyari?'”

Patuloy na kuwento niya, “Medyo nagkaroon siya ng cardiac arrhythmia, ‘yung tibok ng puso niya naging abnormal kaya siguro hindi nag-function, kaya nag-pass out siya and all throughout the day, bumigay ‘yung kidney. He [started] to have pneumonia, so nag-start ng antibiotic. It was so fast because the day before naglalakad kami, kumakain pa kami [sa labas].”

Itinakbo si Kuya Germs sa ospital at na-revive siya, ngunit hindi nagtagal ay bumigay na rin ang katawan ng 82-year-old na TV host-comedian.

READ: Master Showman German ‘Kuya Germs’ Moreno succumbs to cardiac arrest

“Talagang up to the last minute, last second, lumalaban siya eh. Hanggang kanina nga eh bago talaga dineclare siya na wala na talaga, talagang lumalaban. Isa ‘yun sa ibinubulong namin na kung gusto mong lumaban, pero kung hindi mo na kaya, nahihirapan ka talaga, okay na kami,” sambit ni John.


Video courtesy of GMA News