Showbiz News

Mga anak-anakan at fans ni Kuya Germs, nakiramay sa huling gabi ng kanyang burol sa Mt. Carmel Shrine

By BEA RODRIGUEZ

Dumagsa sa Mt. Carmel Shrine sa Quezon City ang mga tagahanga at anak-anakan sa industriya ng pumanaw na Philippine showbiz icon na si German “Kuya Germs” Moreno.

Nakiramay sa burol ni Master Showman ang mga naglalakihang bituin ngayon tulad nina Pops Fernandez, Vina Morales, Ruffa Gutierrez, Sunshine Cruz na produkto ng kanyang youth-oriented show na That’s Entertainment.

LOOK: Mga artistang pinasikat ni Kuya Germs 

“Maraming salamat sa lahat ng tulong na ginawa n'yo sa akin, ‘di lang para sa akin kundi sa lahat ng mga baguhan na gusto sumikat sa industriya. You really, really are an icon and you gave showbiz a name,” saad ng reality star at former beauty queen sa panayam sa Unang Hirit.

Matatandaan ni Sunshine ang kanyang “Tatay” bilang “napaka-sweet, napakabait” at “sobrang genuine na tao” kaya malabong hindi siya mahalin ng industriya.

Nag-post naman si Vina sa Instagram upang ipaabot ang kanyang pakikiramay sa kanyang namayapang “Tatay” sa showbiz, “We love you and we miss you very much.”


Pumunta rin kagabi sa burol ang kalye-serye darling ng Eat Bulaga na si Maine Mendoza upang magbigay respeto sa mga labi ng beteranong TV host. Nanghihinayang daw siya na hindi sila masyadong nagkasama.

Aniya, “Hindi naman talaga kasi kami close or hindi naman kami nagkaroon ng much time together pero ‘yung na-recognize niya ‘yung AlDub and ‘yung tatlong lolas para bigyan niya [ng bituin] sa “Walk of Fame” [ay] sobrang laking bagay para sa akin ‘yun.”

READ: Maine Mendoza, taos puso ang pasasalamat sa Master Showman 

Kasalukuyang nasa GMA Network Center Studio 7 ang mga labi ng pumanaw nating Kapuso para sa public viewing at necrological service na gaganapin mamayang gabi.