Showbiz News

Sharon Cuneta, Vilma Santos at Alden Richards, puno ng paghanga kay Kuya Germs

By BEA RODRIGUEZ



Hindi pinalampas ng mga naglalakihang bituin na bisitahin ang burol ni Master Showman German “Kuya Germs” Moreno at magkuwento ng ilang magagandang alaala tungkol sa Philippine showbiz icon.

Puno ng pasasalamat si Megastar Sharon Cuneta sa kanyang “Tatay” sa paghasa ng kanyang talento simula nang mag-umpisa siya sa industriyang kinalakihan niya.

“Since 13 ako, nagho-host na ako sa kanya until I was 20. Kahit noong nagkaroon ako ng sarili kong show, hindi naputol ang relasyon namin ngayon. Sa kanya ako nahasa sa pagho-host sa television shows tapos close ‘yung personal relationship namin, para ko siya talagang tatay kaya ‘Tatay’ ang tawag ko,” kuwento niya sa Unang Hirit.

READ: Megastar Sharon Cuneta, nagluluksa sa pagkawala ng kanyang Tatay Germs 

Ilang beses rin nagkatrabaho ang beteranong television host at Star for All Seasons na si Vilma Santos. Professionalism raw ang nakuha niyang pinakaimportanteng katangian mula sa kanyang kaibigan.

Saad ni Governor, “Ang industriya, marami dapat ipagpasalamat kay Kuya Germs kasi ‘yung mga pinakikinabangan nating mga artista, nanggaling lahat kay Kuya Germs and I guess the most important thing is the professionalism na itinuro ni Kuya Germs.”

Tatay-tatayan rin ng Pambansang Bae Alden Richards at puno ng paghanga ang masasabi niya sa isa sa mga haligi ng entertainment industry.

Sambit niya, “He’s really nice. Si Kuya Germs ‘yung perfect example ng taong walang malaki o maliit na artista, walang malaki o maliit na trabaho, walang kung sino o ano ang estado ng buhay mo. Nakakatuwa ‘yung pagiging accommodating ni Kuya Germs sa lahat. Wala siyang pinipiling kaibigan at pakisamahan.”

READ: Dabarkads react on the news of Kuya Germs’ death

Inilibing na kaninang hapon ang mga labi ni Kuya Germs sa Loyola Memorial Park sa Marikina City kung saan dinaluhan ito ng kanyang mga pamilya, kaibigan, naglalakihang artista at mga tagahanga.