Showbiz News

Shalala, emosyonal na ginunita ang alaala ni Kuya Germs

By CHERRY SUN

Nagpaunlak ng panayam ang TV host na si Shalala sa CelebriTV upang ibahagi at sariwain ang mga alaala niya kasama ang yumaong Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno.

Ayon kay Shalala ay madalas daw magkuwento si Kuya Germs tungkol sa Avenida.

“Ang hindi ko makakalimutang pinupuntahan namin lagi na umiiyak siya, ‘yung sa Avenida sa Sta. Cruz kasi sarado na doon ‘yung mga sinehan. Iyak siya ng iyak. Sabi ko, ‘Bakit ka umiiyak?’ ‘Kasi sarado na ‘yung mga sinehan.’ Sabi ko, ‘Bakit ba?’ ‘Linalakad ko lang ‘to Shalala. Dito nagtitinda ako. ‘Yun mga kinukuwento niya,” pahayag nito.

Gayunpaman, ang isa sa mga tumatak na pag-uusap nila ng Master Showman ay nangyari lamang noong Nobyembre noong nakaraang taon.

Sambit ni Shalala, “Tumingin siya doon sa mga alaga niya. Sabi niya, ‘Shalala, ano kaya mangyayari sa mga batang ito 'pag wala na ako?’ Sabi ko, ‘Bakit ka nagsasalita ng ganyan?’ Sabi niya, ‘Ang dami namang talent ng mga batang ito.’ Sabi niya, ‘Ano kaya gagawin nila 'pag wala na ako?’”

“Hindi lang pala ako ang sinabihan noon. ‘Yung aming mga staff, ‘yung EP namin, director, lagi niya sinasabi ‘yun. ‘Papano ‘yung mga batang ito 'pag wala na ako,” dagdag ng co-host ni Kuya Germs.

“Kuya Germs, sorry”

“Sabi ko, ‘Kuya Germs, sorry sa mga nagawa ko sa ’yo. Sorry talaga.’” Ito ang kanyang naging huling mensahe na ibinulong nang pumanaw ang Master Showman.

Kahit matagal nang nagkaayos, muling humingi ng tawad si Shalala kay Kuya Germs.

Wika niya sa parehong panayam, “Kuya Germs, alam ko nagtampo siya sa akin ng isang taon nung lumipat ako sa Singko (TV 5) pero nung kinausap ko siya sabi niya, ‘Hindi naman ako galit sa ’yo. Nagtampo lang ako.’ Kasi nasira ‘yung team up namin.”

“Tapos sabi ko pasensiya na kasi kailangan ko rin kumita. Tinanggap niya ako. Sabi ko, ‘Pwede pa ba ako dito?’ Sabi niya, ‘Bukas naman itong programa lalong-lalo na sa ’yo. And I’m sure pati GMA matutuwa 'pag nakitang magkasama na tayo,’” patuloy ng kanyang kuwento.

Matapos ihayag ang kanyang mensahe ay tumuloy na sa hagulgol ang pag-iyak ni Shalala. Noong mamatay raw si Kuya Germs ay ibinahagi ng anak nito na si Federico Moreno kung gaano siya kamahal ng ama nito.

Aniya, “Sabi sa akin ni Freddie, ‘Mahal ka ng tatay ko.’ Sabi niya, ‘Isa ka sa mahal na mahal ng tatay ko.’”

“Ang hirap. Siya ‘yung itinuturing kong tatay, kapatid, kaibigan. Lahat. Kapag may problema ako, ‘Kuya Germs.’ Puro ‘Kuya Germs.’ Nangungutang ako sa kanya dati, pero ngayon wala na ako tatawagan,” pagtatapos ni Shalala.