Showbiz News

3 Big stories on Wagas' 3rd anniversary!


Tatlong malalaking istorya mula sa ibat' ibang sulok ng Pilipinas ang handog ng 'Wagas' sa ikatlong taong anibersayo ng programa ngayong buwan ng mga Puso magsisimula na ngayong February 13.                                                                                



"Ang turista at ang probinsiyana"

Tampok sina Dennis Trillo at Sam Pinto, ito ang makulay na paglalakbay sa paghahanap ng tunay na pag-ibig nina Rome at Mhaycee na natagpuan sa probinsya ng Bicol. Broken-hearted si Rome kaya mula Maynila dumayo siya sa Bicol para hanapin ang sarili. Tulad ng pagkabighani sa ganda ng Bulkang Mayon --- nabighani si Rome sa probinsiyanang si Mhaycee, isang pintor. Magaling magpinta at gumuhit si Mhaycee. At nang iguhit niya ang mukha ni Rome sa kanilang unang pagkikita tila nagkaroon ng kulay ang kani-kanyang mundo. Ngunit habang lumalalim ang kanilang pag-iibigan ay  hindi maiiwasang maungkat ang mga lihim ng nakaraan. Parang mga maaanghang na putahe sa Bicol ang mga lihim na ito ay tila yayanig at susubok sa inaasam-asam na tamis ng pag-ibig na wagas.


"Ang pag-ibig ni Whang-od (Ang huling mambabatok ng Kalinga)"

Nitong nakaraang mga buwan, naging matunog ang pangalan ni Whang Od dahil isinusulong na ideklara siya bilang National Artist.  Si Whang Od Oggay ang natitirang huling mambabatok sa Kalinga. Kilala siya sa buong mundo at lingid sa kaalaman ng marami,  isang napakagandang kwento ng pag-ibig ang angkin ni Whang Od noong kanyang kabataan at sa kauna-unahang pagkakataon ay ikukuwento niya ito sa Wagas na gagampanan ni Janine Gutierrez.  Sa gulang na siyamnapu’t limang taon hanggang ngayon ay  gabi-gabi pa rin  niyayakap  ni Whang-Od bago matulog ang  nag-iisang larawan ng nag-iisang lalaking tunay niyang inibig.

 


"The one that got away"

Saksi ang nagagandahang molino ng Bangui at ang makasaysayang Paoay Church sa Ilocos sa pagmamahalan  nina Laura at Jun na gagampanan nina Allesandra de Rossi at Benjamin Alves.  Magsisimula ang kwento sa liham ni Jun na isinasalaysay ang tungkol sa isang babaeng naging bahagi ng kanyang buhay na hinding hindi niya makakalimutan. Si Laura ang kanyang unang pag-ibig ngunit naging mapagbiro ang tadhana --- ilang ulit silang pinaghiwalay hanggang sa nagkaroon ng kanya kanyang buhay. Pagkalipas ng maraming taon, muli silang nagkita --- puti na ang mga buhok, bitbit ang mga pusong nagsusumamo.  Itutuloy kaya nila ang naunsiyaming pag-iibigan o tatanggapin na lamang ang katotohanang sa maling panahon sila nagmahalan?

Simula ngayong February 13 abangan ang kapana-panabik na mga istoryang ito tuwing Sabado 7 P.M. sa pagdiriwang ng ikatlong anibersayo ng WAGAS sa GMANewsTV!