Showbiz News

'Wowowin,' pinahaba na ang oras sa mas pinaagang time slot

By CHERRY SUN



Tuloy-tuloy ang good news para sa mga nagmamahal at sumusubaybay kay Willie Revillame.

Simula sa Lunes, February 15, mapapanood na ang Wowowin mula sa mas pinahaba at pinaaga nitong time slot na 5:00 P.M. hanggang 6:30 P.M. araw-araw.

“Ilang tulog na lang, sambayanang Pilipino, ang programa n'yo ay isang oras at kalahati na,” inanunsiyo ni Kuya Wil sa kanyang programa.

“Starting February 15, Monday, magsisimula na po tayo ng alas-singko ng hapon (5 P.M.) dito sa GMA Kapuso channel. Wow,” patuloy niya.

Ito ay masayang balita para kay Willie na matagal nang nais bumalik sa araw-araw na programa at lalo na sa kanyang mga taga-suporta.

“Salamat po sa GMA 7. Dahil sa kahilingan n'yo, nahabaan [ang airing time ng show]. Kaya sa Lunes, mas marami na tayong games na puwede kayo manalo,” pahayag niya.

“Binigyan na po tayo pa ng mas mahabang oras para mas mahabang panahon na magkasama-sama tayo at makapanood kayo. Magdadagdag din po kami ng maraming games para sa inyo. At sa inyong mga tahanan, abangan ninyo po. Kakatok kami sa mga tahanan n'yo, may sorpresa kami. Kayo po ay magka-‘Cash Salo,’” pagtatapos ni Kuya Wil.