Showbiz News

'Munting Heredera,' drama format sa Mexico; 'Impostora,' mapapanood sa 14 na bansa

By CHERRY SUN

Ang husay ng mga Kapuso drama series ay umabot na sa ibang bansa!

Ibinalita ng Content Asia, isang Asia-based information resource, na nakuha ng Telefilm Atlantico, S.A., isang production house sa Mexico, ang format rights ng Munting Heredera na gagawa ng localized version nito.

Ani GMA Worldwide Inc. Vice President Roxanne Barcelona sa kanyang panayam, "Our presence in various territories proves that our content is relevant and favored not just among Filipino viewers but more importantly, among foreign viewers as well."

Sa parehong ulat, ibinahagi rin na ang Impostora ay ang top-selling title at mapapanood sa 14 na bansa kabilang na ang Vietnam, Cambodia, Myanmar, Malaysia, Brunei, Singapore, Ghana, Tanzania, Kenya, Zambia, Korea, US at Romania. Ang naturang Kapuso drama ay ginagawan ng dubbing o subtitle sa Ingles o local languages sa ilan sa mga nabanggit na bansa para lalong mapukaw ang mga manonood nito abroad.

"Our target audience are not Filipino expats but rather, we want to reach the local audience of the countries we sell to," paliwanag ni Barcelona.

Dagdag din niya, ang mabuting balita tungkol sa pag-ere ng mga Kapuso drama series sa ibang bansa ay isang magandang development lalo na at ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-20 anniversary ng GMA Worldwide.

Ang Munting Heredera ay unang umere noong 2011. Ito ay pinagbidahan ni Gloria Romero at mga Kapuso child stars na sina Mona Louise Rey, Barbara Miguel at Kyle Ocampo. Samantala, ang Impostora ay unang napanood noong 2007 na kinatampukan nina Sunshine Dixon at Iza Calzado.