Showbiz News

Kim Domingo, dating sumali sa Little Miss Philippines ng 'Eat Bulaga'

By BEA RODRIGUEZ

May bago nang 'Pantasya ng Bayan' at ito ay walang iba kundi ang Internet sensation-turned-TV personality na si Kim Domingo.


"Happy!" ang paunang salita ng baguhang aktres nang tawagin siya ng Tunay Na Buhay host Rhea Santos nito. Dagdag niya, "Kasi noong una [ay si] Joyce Jimenez. Ang tagal 'ata bago nasundan [na may binansagang] 'Pantasya ng Bayan'."

Wala naman raw problema para sa Bubble Gang star na pagpantasyahan siya ng mga kalalakihan dahil alam niya naman paano pakikitunguhan ito. Paliwanag ni Kim, "Sa kabila ng pananamit ko, 'yung loob ko naman [ay] hindi naman ganun na porket seksi, pariwara na. Simple lang po kasi talaga ako."

Bata pa lang ay gusto na ng French-Filipina beauty na maging artista, "Gusto ko lang talaga siya tapos noong bata ako, mahilig akong [umarte] sa salamin [habang suot] ang mga damit ng mom ko [tapos magpo-pose] ako!"


Siya pa nga raw ang nagtulak sa kanyang sarili na sumali sa "Little Miss Philippines" ng Eat Bulaga noon. Kuwento ng kanyang ina na si Mommy Fina, "Dati, 'yung pagsali niya sa Little [Miss] Philippines, 'di ko talaga gusto. Siya lang ang nagpursige [kaya] ang sumama nga doon [ay] 'yung mga kapatid ko kasi nahiya ako sa TV. Noong nakikita ko na siya sa TV, natutuwa na ako [at] proud na ako sa kanya."

Hindi naiwasan ni Kim na umiyak nang balikan ang kanyang nakaraan, "Kung saan man ako ngayon, 'di ko ini-expect. Sobrang saya ko kasi dati pangarap ko lang siya tapos ngayon, [andito] na ako. Kahit naging mahirap 'yung buhay namin dati, pinagtiisan ko talaga siya."

Ang paghihintay raw ng tamang panahon ang aral ng kanyang buhay, "'Wag magmadali [kasi] basta may sipag at tiyaga ka, makukuha mo [at] walang imposible."



MORE ON KIM DOMINGO:

Kim Domingo lands another big break in Juan Happy Love Story

Kim Domingo on bashers