Showbiz News

'Karelasyon' features 'Hiya'

Isang mabait at masipag na scholar si Gail (Bea Binene). Malaking tulong ang kanyang scholarship lalo na’t maliit lang ang kinikita ng kanyang nanay na labandera at tatay na kumukumpuni lamang ng sirang appliances. Bagama’t salat sa yaman, maayos at masaya naman ang buhay ni Gail. Ngunit ang kanyang mundo ay magbabago sa pagdating ni EJ (Derrick Monasterio), ang gwapo at mayaman niyang classmate, na kanyang makukursunadahan. Upang makasabay ito sa mga trip ng binata ay mapipilitang magpanggap si Gail. At kasabay ng kanyang pagpapanggap ay magagawa rin niyang ikahiya ang sariling mga magulang. Magagawa rin niya ang magnakaw ng mga magandang gamit, ma-impress lamang si EJ at iba pang mga kaklase. Mahuli kaya si Gail sa kanyang mga pagpapanggap? Matatanggap pa kaya siya ni EJ kapag nabuko na nito ang tunay niyang estado? Mapatawad pa kaya si Gail ng kanyang magulang na lubos niyang masasaktan? Panoorin ang simple ngunit tiyak na kapupulutan ng aral na kuwentong ito ni Gail. Pagbibidahan nina Bea Binene, Derrick Monasterio, Rita Daniela, Irma Adlawan at marami pang iba, sa panulat ni Jon Verzosa at direksyon ni Paul Sta. Ana. Mapapanood ang Karelasyon kasama si Ms. Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga.