Showbiz News

READ: Donita Nose, higit pa sa trabaho ang nakuha mula sa pakikipagtrabaho kay Willie Revillame

By CHERRY SUN

Hindi rin iba si Donita Nose, ang stand-up comedian at co-host sa Wowowin, sa iba pang nakatrabaho at tinutulungan ni Willie Revillame. Aniya, higit pa sa pagiging regular host sa afternoon variety game show ang kanyang tinatamasa kay Kuya Wil.
 
Tulad nina Yvette Corral, isa pang co-host ni Willie, at Carol, isa sa mga Wowowin Pretty Ladies, nagsimula ang oportunidad para kay Donita nang sumali siya bilang isang contestant sa 'Willie of Fortune.'
 
READ: Kilalanin si Yvette Corral, isa sa mga 'Wowowin' co-hosts ni Willie Revillame
 
“May eksena doon na nag-showdown kami ni Jonalyn Viray. So, doon niya ako nakitaan ng parang may potential or X factor. Doon siya natuwa, 'at saka ‘yung video namin  [ni Jonalyn] medyo nag-viral, so maraming nakapanood, maraming natuwa. ‘Yun ‘yung medyo nag-trigger kay Kuya na pwede niya akong bigyan ng break,” pag-alala ni Donita sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
 
Noong umpisa ay maaaring kinuha siya ni Kuya Wil para sa pagpapatawa sa programa ngunit sa kalaunan ay napansin ng host ang kanyang kakayanan. Dagdag niya, marunong siyang makinig at makiramdam sa entablado, at laging mataas ang energy pagdating sa show. 
 
“Marami na rin akong guestings, teleserye. Nakuha na rin ako sa soap [opera] pero never pa ako nag-host. Si Kuya talaga nagbigay sa akin ng bonggang break,” patuloy ni Donita.
 
Ngunit maliban sa regular na regalo sa telebisyon, may isang bagay ang ibinigay sa kanya ng Wowowin host na hindi matatawaran.
 
Aniya, “Alam naman natin na bakla ako ‘di ba pero ‘yung parang pagtrato niya sa akin, hindi niya ako tinatratong ganun eh. Nakikita ko na parang ano, host. Parang hindi ka bakla, hindi ka babae, hindi ka lalaki. Pantay, pantay ang tingin niya sa akin.”
 
MORE ON 'WOWOWIN':

Willie Revillame, na-touch sa nakukuhang suporta mula sa GMA Network
 
MUST SEE: Kim Domingo, naka-reunion si Willie Revillame  at mga dating katrabaho