Showbiz News

John Regala, ibinahagi kung paano tinalikuran ang pagkalulong sa iligal na droga

By CHERRY SUN

Hindi naging madali ngunit kinaya ni John Regala na talikuran ang paggamit ng bawal na gamot.

Ayon sa ulat ng 24 Oras ay halos 13 taon nalulong sa iligal na droga ang aktor at taong 1987 nang una siyang ma-expose sa masamang bisyo.

Pag-alala niya, “May mga kanya-kanya tayong sakit, pasan-pasan na hindi matanggap. Kung bakit ‘yung ama ko hindi ako kinilala, problem ko sa ano… So may mga gusto tayong ilabas na wala tayong mapaglabasan kaya may naging kaibigan ako na hooked sa drugs, pati ako ayun, nadamay na.”

Kasikatan daw niya nang malulong siya, ngunit higit sa pagkasira ng kanyang career ay naapektuhan ang kanyang buhay dahil sa kanyang paggamit ng iligal na droga.

“Talagang ni-singko [wala], tapos halos ‘yung mga tao na nakapaligid sa’yo minumura ka na. Ang tingin sa’yo ay parang baliwala na, wala ka nang pagbabago. Palibhasa wala silang mahihita sa’yo, wala ka na ring kaibigan,” kuwento ni John.

Taong 2000 daw nang nakilala ng aktor ang Panginoon at dahil dito ay natulungan siyang makabangon. Una niyang ginawa ay ang talikuran at layuan ang lahat ng tao at bagay na manghihikayat sa kanya na magbisyo muli. Malaking bagay rin daw ang suporta ng kanyang pamilya.

Aniya, “Nakakaramdam ako ng craving, ang una kong yinayakap asawa ko. ‘Love, tulungan mo ako, nagkakaroon ako ng craving.’ ‘Yun, yinayakap ako ng asawa ko. Yinayakap ako ng ina ko.

Ayon kay John ay buo dapat ang loob ng isang taong nais magbago dahil hindi biro ang hirap na pagdadaanan nito.

Paglarawan niya, “Binabaluktot ang mga buto mo. Wala, hindi ka productive sa buhay. Negatibo lahat ng [pananaw] mo, tapos wala kang gustong gawin [kundi] matulog, kumain, tapos naglalaway ka.”

“Sabi ko nga sa’yo napagtagumpayan ko lahat ‘yan, hindi nga lang madali,” patuloy ng aktor.

Ngayon ay 16 taon nang drug-free si John.

“Kung pababalikin lang sa akin ‘yung sandali na [‘yun], hindi ko pipiliin mag-drugs. Kailangan natin minsan madadapa tayo, masusugatan tayo para matuto tayo,” sambit niya.

Video courtesy of GMA News