TV

'Ate,' susunod sa 'Karelasyon'

 

 

Tulad ng karaniwang malapit na magkapatid, laging nagtutulungan sina Grace (Melissa Mendez) at ang mas nakababatang si Ann (Glenda Garcia). Noong marangya pa ang buhay ng kanyang ate, lubos nga ang pagtulong nito kay Ann na isang single parent. Sa katunayan, sa tulong sa kanyang ate Grace ay napagtapos niya ng pag-aaral ang kanyang mga anak at nakapundar pa siya ng munting negosyo.  

 

Ngunit ngayon ay baligtad na ang kanilang sitwasyon. Matapos sumakabilang-buhay ang live-in partner ni Grace, ito naman ang nangangailangan ng tulong.

Syempre, naging bukas ang pinto ng tahanan ni Ann para sa kanyang ate Grace na dahil nasanay sa marangyang buhay ay mahihirapang mag-adjust sa mas maliit na tirahan.

Ang problema, tila mag-aastang donya at senyorita pa rin itong si Grace kahit alam niyang iba na ang estado ng buhay niya ngayon. Dito magsisimula ang madalas nilang hindi pagkakasundo magkapatid, na lalo pang gugulo nang malaman ni Ann na ang mas bata ang edad niyang manliligaw na si Fredo (JC Tiuseco) ay tila pag-i-interesan din ng kanyang ate!

Abangan ang real-life sisters na sina Melissa Mendez at Glenda Garcia sa kanilang pagganap na magkaribal na magkapatid! Kasama rin sina Rita Daniela at JC Tiuseco. Sa panulat at direksyon ni Michael Christian Cardoz.

Mapapanood ang Karelasyon kasama si Ms Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng #LIKE!