Showbiz News

MUST-READ: Ang tunay na buhay ni Super Tekla

By CHERRY SUN

Marami na ang nakakakilala ngayon kay Super Tekla  dahil sa kanyang pagpapatawa ngunit marahil ay may ilan ding hindi pa lubusang alam ang malungkot na nakaraan niya. 

Sa recent episode ng Magpakailanman, ikinuwento ng komedyante ang kanyang buhay, at ibinahagi na hanggang ngayon ay pinapangarap pa rin niyang darating ang araw na mabubuo ang kanyang pamilya.

Dalawa ang pinaka-inaasam ni Romeo Librada, tunay na pangalan ni Super Tekla, sa buhay – ang maging isang recording artist at ang bumuo ng sarili niyang pamilya sa kabila ng kanyang kasarian.

Batang-bata pa lamang kasi si Romeo nang pumanaw ang kanyang ina. Kinupkop siya ng kanyang lolo para siya ay pag-aralin ngunit makalipas ang limang taon ay sumakabilang-buhay rin ito. 


Naging working student si Romeo at hanggang maka-graduate siya ng high school ay patuloy ang kanyang pagpupursigi.  Sa panahong ito ay nakarelasyon niya ang kanyang katrabahong lalaki na kinuwartahan lamang siya. Nakarating siya sa Maynila at pumasok ng iba’t ibang trabaho hanggang may makadiskubre sa kanya sa isang mall. 

 

 


 

 


Bahagi niya, “Kumakanta ako sa isang mall. May amusement area doon na may videoke, hanggang sa may lumapit sa aking dalawang bakla.” 

Habang nasa Maynila, umibig siya sa kanyang misis na si Irene Gonzales. Nagsimula sila ng pamilya at pinagpatuloy niya ang pagpasok sa isang comedy bar gamit ang pangalan na Tekla. Gayunpaman, dumating ang araw na nilisan siya ng kanyang mag-ina.

 

 


Pag-alala ni Romeo, “’Yung kinang ko..  hindi ko kasi ma-handle Tita Mel (Tiangco) ‘yung emosyon ko on stage. Mahal ko si Irene eh, sobra. Siya ‘yung first love ko, ‘yung sa babae ah. Siya ‘yung minahal ko talaga. Alam naman niya ‘yun eh, kaso ganun talaga siguro ‘yung kapalaran. Noong pagkawala namin ni Irene, gumuho ‘yung mundo ko.”

Sa kanyang muling pagbangon ay nagkaroon siya ng oportunidad na maglaro sa Wowowin sa tulong ni Donita Nose. Masasabing malaki na ang ikinaganda ng buhay ni Romeo ngunit hindi pa rin niya naaabot ang isang pangarap niya. 


Ani Romeo, “Kinikilabutan ako. Dati tumatanggap lang ako ng kumbaga baratilya na ‘yung labanan ng raket. Ibinalik ni God lahat.”

“Siguro jackpot ‘yun [kung magkabalikan kami ni Irene]. I’m looking [forward to that]. Love ko siya, mahal ko siya... Pakakasalan ko ‘yun, Tita Mel,” pagtatapos ni Romeo. 


MORE ON SUPER TEKLA:

WATCH: DonEkla, nagkuwento kung paano nabuo ang kanilang tandem sa 'Wowowin'

READ: Stand-up comedian na si Super Tekla, nami-miss ang kanyang anak na malayo sa kanya