Showbiz News

#FromTheArchives: Raquel Pempengco, galit dahil sa ginawang pagpalit ng pangalan ng anak bilang si Jake Zyrus

By Cherry Sun

Nagulat at nagalit si Raquel Pempengco dahil hindi raw ipinaalam sa kanya ng kanyang anak ang pagpapalit ng pangalan bilang Jake Zyrus. Sa kabila nito, umaasa pa rin daw siyang babalik si Jake na matagal nawalay sa kanya.
 
Inamin ni Mommy Raquel sa exclusive interview ng 24 Oras, “Nagalit ako. Siyempre hindi mawawala sa nararamdamam ko ‘yung magalit dahil ako ‘yung nagbigay ng pangalan na Charice. Sama ng loob, kasi bakit hindi ipinaalam sa akin eh andito lang naman ako.”
 
Batid din daw niya ang galit na mensahe ng kanyang ina patungkol kay Jake. 
 
Aniya, “Straight to the point, hindi ako naiipit dahil isa lang naman ang kakampihan ko, ‘yung anak ko.”
 
Ayon sa ulat, mula sa Laguna ay naninirahan na ngayon sa Lopez, Quezon si Mommy Raquel. Dalawang taon na raw siya tila iniiwasan ng kanyang anak kahit na wala silang naging alitan nang umalis si Jake sa kanyang poder.
 
Maraming beses na rin daw siya nag-reach out sa kanyang anak na nauwi sa wala kaya naghihintay na lamang siya sa muling paglapit nito.
 
Sambit ni Mommy Raquel, “Anuman ang gawin niya. Magpalit man siya ng girlfriend, magpalit man siya ng manager, magpalit man siya ng mga kaibigan o kahit na pangalan pa ‘yang palitan niya, basta isipin na lang ni Charice na she’s still my daughter. Siya pa rin ang anak ko. Nandito lang kami ng kapatid niyang si Carl.”

Video courtesy of GMA News