Showbiz News

Mapupuno ng mahika at misteryo ang inyong mga umaga sa Korean fantasy series na 'Mirror of the Witch'

By Marah Ruiz

 

 

Lumaki si Yeon Hee (Kim Sae-ron) nang mag-isa sa isang liblib na bahay sa gitna ng bundok na napapaligiran ng kagubatan. 

 

Hindi siya maaaring lumagpas sa bakuran ng bahay kaya ang tanging libangan lang niya ay ang magpalipad ng isang saranggola at pakikinig sa mga kuwento ng kanyang kinakapatid na si Poong Yeon (Kwak Si-yang) na madalas bumisita sa kanya ng palihim. 

Hindi alam ni Yeon Hee na isa siyang prinsesa. Sa katunayan, siya ang kakambal ng tagapagmana ng kaharian na si Prinsipe Soonhwe (Yeo Hoi-hyeon). 

Pero dahil hindi makapagluwal ang reyna, kinailangang gumamit ng itim na mahika sa tulong ng makapangyarihang shaman na si Hong Joo (Yum Jung-ah) para lang magkaroon ng tagapagmana ang kaharian. 

Sa kasamaang palad, malaki ang sinisingil ng itim na mahika. Nakasumpang mamatay ang dalawang bata pagdating ng kanilang ika-labingpitong kaarawan. 

Dahil mas kailangan ng kaharian ng isang prinsipe, ililipat ni Hong Joo ang sumpa sa prinsesa at uutusan ang kanyang mga tauhan na patayin ito. Hindi makakayanan ng shaman na si Hyun Seo (Lee Sung-jae) na patayin ang isang sanggol kaya itatakas niya ito at itatago sa isang bahay na balot ng talisman sa gubat.

Matapos ang labingpitong taon, buhay si Yeon Hee ngunit nananatili siyang bilanggo sa kanyang munting bahay sa gubat. Paano kaya mababago ang kanyang buhay sa pagdating ng Heo Jun (Yoon Shi-yoon), isang guwapong binatang walang kamalaymalay na may taglay pala siyang isang bagay na maaaring makatulong kay Yeon Hee?

Abangan ang kanilang kakaibang kuwento sa Mirror of the Witch, simula July 24 sa GMA Heart of Asia.