Showbiz News

WATCH: Lovely Abella, ikinuwento kung paano siya nagsimula bilang isang dakilang extra

By Al Kendrick Noguera

Lingid sa kaalaman ng karamihan, bago pa makilala si Lovely Abella sa showbiz ay marami siyang pinagdaanang paghihirap.

Sa interview ni Lovely sa Tunay na Buhay, ikinuwento niya kay Rhea Santos ang pagsisimula niya sa entertainment industry. Ayon sa komedyante, naging dakilang extra raw siya noon at ibinahagi niya kung paano niya tiniis ang maging artista na walang pangalan.

"Alas sais 'yung tinatayo pa lang 'yung tent, wala pa 'yung mga cameraman naroon ka na. Wala kaming tent, [hahanap kami ng lugar] kung saan lang kami puwedeng magpahinga. Mayroon kaming mga karton para maupuan," saad ni Lovely.

Pagkatapos ng kanyang pa-extra-extra, lumabas sa telebisyon si Lovely sa segment na Just 4 Kikays ng Bitoy's Funniest Videos noong 2004 kung saan siya ang nagpa-prank sa mga ordinaryong tao. 

Kasunod nito ay natanggap si Lovely bilang isa sa dancers ni Willie Revillame at 'di kalaunan ay naging host pa siya ng game shows na ito. Mula noon, nakilala na si Lovely sa telebisyon hanggang sa mapabilang siya sa cast ng Sunday PinaSaya, ang kanyang itinuturing na biggest break.

"Wala akong pinangarap kung 'di maging best actress. Hindi ko alam na komedyante pala ang ending ko," natatawang kuwento ni Lovely.

Bukod sa Sunday PinaSaya, regular ding mapapanood si Lovely sa longest-running gag show na Bubble Gang.

Panoorin ang kabuuan ng interview ni Lovely sa video na ito:


Video courtesy of GMA Public Affairs