Showbiz News

Super Tekla, boluntaryong nagpa-drug test

By Cherry Sun

Si Super Tekla mismo ang humiling na magpa-drug test para linisin na rin ang kanyang pangalan mula sa mga bali-balitang nag-uugnay sa kanya sa ipinagbabawal na gamot.

“Feeling ko ‘yun ‘yung harang para ma-achieve ko ‘yung ganito kaya ‘yun muna ‘yung una kong nilinis. Sobrang thank you, Lord. Thank you, thank you. Talagang sobrang negative ‘yung result,” bahagi ni Super Tekla nang makapanayam siya ni Aubrey Carampel sa kanyang contract-signing sa GMA Artist Center.

READ: Super Tekla at Boobsie Wonderland, pumirma ng kontrata sa GMA Artist Center

Kasunod ng kanyang pagpapasailaim sa drug test ay ang kanyang hiling na sana ay matigil na ang kontrobersya tungkol dito.

Aniya, “Hindi totoo ‘yun. Sabi ko nga, ayaw ko na magsalita eh, pero ito na... to prove, to clear, para masara na ‘yung haka-haka.”

“Ito, trabaho na lang tayo para sa mga Kapuso natin. Thank you so much, at talagang kung ano man ang ipagkaloob sa akin ng Diyos, talagang pagtatrabahuhan ko ito ng maayos,” patuloy ng komedyante.

Ramdam din daw ni Tekla ngayong ang pagdating ng blessings sa kanya lalo na at opisyal na siyang matatawag na Kapuso.

Sambit niya, “Mga pintuang magbubukas, and of course ang langit, o-open wide. Bumubuhos, talagang mararamdaman mo talaga. You have to be patient, ‘yun lang. Maging mapagkumbaba… Alam naman ng Diyos kung saan ka ilalagay.”