Showbiz News

EXCLUSIVE: Donita Nose, tumatanaw ng utang na loob kay Willie Revillame

By Cherry Sun

 

Hindi man siya napapanood sa Wowowin ngayon, tumatanaw pa rin ng utang na loob si Donita Nose kay Willie Revillame at sa Kapuso variety game show.

Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, nilinaw ng komedyante na naging maayos ang nangyaring pag-alis niya sa programa. Naiintindihan at nirerespeto raw niya ang naging paliwanag ni Kuya Wil kung bakit hindi muna siya napapanood sa Wowowin.

Hindi raw ito ikinasama ng loob ni Donita Nose. Sa katunayan, malaki ang pasasalamat niya kay Kuya Wil.

Wika niya, “Sobra-sobrang, sobra-sobrang pasasalamat [ko] sa kanya sa naitulong niya sa akin. Kasi hindi naman ako mapupunta sa Celebrity Bluff, kung hindi naman ako nakita sa Wowowin, hindi ako mapupunta ng Dear Uge kundi sa Wowowin, hindi ako mapupunta ng kahit anong show dito sa GMA kundi dahil sa Wowowin. Kaya, sa kanya nag-umpisa ang lahat.”

Hindi raw matatawaran ang naging papel ni Willie at ng programa sa kanyang blossoming career ngayon.

“Sabi ko nga sa kanya, utang na loob ko ‘yung mga nangyayari ngayon sa buhay ko. Isa ito sa pinakamahalagang nangyari sa buhay ko na naging artista ako, na nakilala ako kahit papaano. Siya ang nagbigay ng break sa akin na parang bilang ganito nga, bading, alam kong minahal naman ako ni Kuya pagdating sa show,” pahayag ni Donita Nose.

Diin din niya, “At saka sobrang love ko ‘yun. Actually sabi ko nga sa kanya, walang Donita Nose kung wala ‘yung Wowowin 'tsaka wala si Kuya Wil, kasi siya talaga nag-umpisa ng lahat, kung ano ako ngayon, kung ano si Tekla ngayon.”

Nagpaabot din siya ng mensahe kay Willie.

Sambit ni Donita Nose, “Doon kami nag-umpisa sa kanya so, thank you Kuya. Mahal kita, alam mo ‘yan. Mahal na mahal kita kahit na hindi tayo magkasama ngayon dahil marami kang ginagawa sa show mo, pero still nandito pa rin naman ako para sa’yo.”