Showbiz News

WATCH: Michael V, nagkuwento tungkol sa inspirasyon ng 'Pepito Manaloto' at ng kanyang vlog

By Cherry Sun

Ikinuwento ni Michael V sa kanyang ika-apat na vlog kung ano ang naging inspirasyon niya sa Pepito Manaloto na naging inspirasyon din niya para simulan ang Bitoy Story.

Bata pa lamang daw si Michael V ay fan na siya ng John en Marsha. Idolo raw niya si Dolphy at ang original writer-director ng programa na si Ading Fernando. Aniya, kinagiliwan daw niyang sundan ang kuwento ni John na mahirap ngunit maprinsipyo na napangasawa si Marsha, isang simpleng babae ngunit anak-mayaman.

“Nakakatuwa panoorin ‘yung attitude ni John, kung paano niya hina-handle ‘yung mga sitwasyon kahit mahirap lang siya, at marami naka-relate. Syempre, kasama ako doon,” wika ni Bitoy.

Marami raw ang gumaya sa formula ng John en Marsha ngunit dahil dito ay may iba siyang naisip na gawing programa.

Paliwanag niya, “Ano kaya kung magkaroon naman ng sitcom tungkol sa isang mahirap na naging mayaman… at sa pamamagitan ng sitcom na ‘to, gusto kong makita ng mga kababayan natin ‘yung mga pagdadaanan ng isang mahirap kapag na-encounter niya ‘tong mga bagay na ‘to for the first time. At dyan sa mga ideas na ‘yan, doon nabuo ang konsepto ng Pepito Manaloto the sitcom.”

Naging matagumpay ang ideya ni Michael V ngunit aminado rin siyang nalimitahan siya sa mga kaya niyang gawin sa telebisyon. Kaya naman, nabuo niya ang konsepto ng Bitoy Story.

“Itong Bitoy Story gusto ko maging extension noong original vision ko para sa show kasi dito sa YouTube kung ikaw ay isang responsible creator, walang limitations,” sambit niya.

Nilinaw din niya na sa kanyang ika-apat na vlog ay maaari rin siyang magbigay-komento sa isang serbisyo tulad ng paglipad nang business class sa isang airline maliban sa kanyang ginagawang reviews sa mga laro at gadgets.

Panoorin:

Tags:
michael v