Showbiz News

WATCH: Dating sexy star na si Kenjie Garcia, professor na ngayon

By Marah Ruiz

Big break para sa sexy actor na si Kenjie Garcia ang pagbida niya sa 2008 film na Ang Lihim Ni Antonio. 

Humakot ito iba't ibang parangal sa Pilipinas at sa ibang bansa, pati na dalawang international best actor awards para kay Kenjie. 

Paano nga ba siya nagsimula sa ganitong klase ng mga pelikula? 

Ayon kay Kenjie, ang kanyang pinsan na si sexy star Katrina Paula daw ang naghikayat sa kanya na pumasok sa mga sexy films. 

"Hindi ako talaga game noong una. Kaya lang sa kagustuhan ko ding umarte, siguro inisip ko na lang noong time na 'yun na parang isa lang sa mga requirements ang paghuhubad para maka-arte," paliwanag niya. 

Hindi rin daw niya inasahan na sa gay-themed films siya mapapasabak. 

"Hindi ko ma-explain 'yung feeling ko. Kasi nga, doon pa nga lang sa daring scenes medyo hesistant na 'ko. What more pa kaya kung lalaki 'yung makaka-eksena ko," aniya.

Pero ipinagpatuloy lang niya ito bilang pangtustos sa kanyang pag-aaral.

Kalaunan, naka-graduate din si Kenjie sa kursong BS Hospitality Management at apat na taon nang nagta-trabaho bilang propesor sa isang kolehiyo sa Bulacan. 

Aminado naman siyang nahirapan siya sa paghahanap ng trabaho dahil sa dati niyang career bilang sexy actor.

"Siguro kaya ito 'yung mismong propesyon na pinili ko rin sa bandang dulo. I want to prove something doon sa mga tao na tumingin sa akin ng ganoon kababa," pahayag niya. 

Panoorin ang feature ng programang iJuander kay Kenjie. 

 

Video from GMA Public Affairs