Showbiz News

EXCLUSIVE: Camille Prats, balik-acting na matapos manganak

By Jansen Ramos

 

 

Magkahalong emosyon ang nararamdaman ng TV host-actress na si Camille Prats sa bago niyang romantic comedy series sa GMA Network. 

Dalawang taon rin siyang nagpahinga sa pag-arte dahil sa paghahanda niya para sa kanyang panganganak. Apat na buwan na ang nakakalipas nang isilang niya ang kanyang ikalawang anak na si Nala Camilla.

Eksklusibong nakapanayam ng GMANetwork.com si Camille sa story conference ng Ang Forever Ko’y Ikaw. Ika niya, excited at kinakabahan siya dahil naninibago siya sa konsepto ng programa. Bago raw kasi ito kumpara sa kanyang mga nakagawiang proyekto.

“Excited, at the same time, parang kinakabahan na parang nakakapanibago rin kasi parang ang tagal kong [hindi] nakapag-soap. So, for about two years, Mars lang talaga ‘yung ginagawa ko. From pregnancy up until giving birth, hindi ako nakapag-ganitong show. So, ngayon na lang talaga ulit,” saad niya.

Laking tuwa rin ni Camille nang malaman niyang romantic comedy ang bago niyang serye dahil matagal na niyang gustong gawin ang ganitong klaseng soap.

Aniya, “I’m looking forward to the project kasi kakaiba siya. It’s a romantic comedy, it’s very light, and it’s something that I’ve always wanted to do kasi parang halos lahat ng naging programa ko rito [sa GMA], lagi s’yang heavy drama, lagi s’yang mabigat. I’m always a fan of light and mga nakaka-kilig na Koreanovelas. So, nung nalaman ko na medyo ganun ‘yung concept, nakakatuwa kasi mas masarap manood ng nakakagaan sa buhay kaysa sa mabigat at nakakaiyak.”

Hindi lang mga married men and women, kung 'di pati mga binata’t dalaga ang makaka-relate sa kuwento ng bagong show na ito.

“Alam mo naman ang mga kabataan ngayon, iba-iba na rin. I have younger siblings, 20 and 19, na sobrang millennial. So, nakaka-relate naman ako somehow. ‘Pag meron akong ‘di alam, tinatanong ko lang sa kanila. It’s fun being around them pero at the same time, ibang-iba rin kasi kung ikukumpara sa panahon namin. Sabi ko nga, maganda siguro ‘yung combination kasi marami kaming matutunan sa kanila and hopefully they’ll get to learn a lot from us also.”

Sa katunayan, may alter-ego social media account ang kanyang karakter dito na nagngangalang Dyosabel.

Bahagi niya."Si Dyosabel, may mga hugot siya sa buhay, tsaka feeling ko kaya 'yun 'yung napili na alter-ego o social media name kasi may tinatago siyang pagiging diyosa. In spite of all the things that are happening to her, 'yung mga burdens niya, hinanakit niya, deep inside her may diyosa na karapat-dapat mahalin, karapat-dapat na bigyan ng pangalawang pagkakataon lalo na sa pagiging masaya."

Makakasama ni Camille sa Ang Forever Ko’y Ikaw sina Neil Ryan Sese, Ayra Mariano at Bruno Gabriel. Mapapanood na ito simula Marso sa GMA Network.