Showbiz News

Ex Battalion nag-iingat na sa pagsulat ng kanilang mga kanta

By Gabby Reyes Libarios

Aminado ang hip-hop artist na si Bosx1ne na hindi masasabing "maganda" o "squeaky clean" ang dating imahe ng kanyang sikat na grupo na Ex Battalion . 

"Dati kasi, tingin sa amin ng mga tao, 'Ambabastos niyo.' Gano'n po talaga 'yun. Kahit i-search n'yo na lang sa YouTube, puro bastos talaga. Explicit talaga, may mga mura," paliwanag ni Bosx1ne sa GMANetwork.com sa isang recent press con na kung saan ini-launch ang kanyang grupo as endorsers ng clothing brand na RRJ.

"Kasi kami, diretso lang kami. Kung ano ang nakikita n'yo, gano'n talaga kami. Walang pagpapanggap."

Pero simula nang maging talent na sila ni Aiai Delas Alas, nabawas-bawasan na rin kahit papaano ang mga temang 'di kanais-nais na marinig ng mga bata.

"Siyempre po may mga bata na rin kasi ngayon. Siguro meron kaming kanta na medyo explicit, pero di na tulad ng dati. We have to tone it down."

CREATIVE FREEDOM

Din rin dine-deny ni King Badger na ang kanilang mga kanta dati ay hindi para sa mga young listeners. Kaya naman nagsimula na silang maging maingat sa kanilang pagsusulat, pananalita, pagkilos, pati na rin ang pagpopost sa social media lalo na ngayong mas marami na ang nakakakilala sa kanila. 

"Mas conscious na kami sa mga words namin, sa mga songs namin, sa kilos na rin," sabi ni King Badger na kilala rin sa kanyang totoong pangalan na Jon Gutierrez. "Pati 'yung mga pinopost namin sa social media, we have to be careful. 

"Siyempre ayaw namin maging bad image kami sa mga kids. We have to be good examples to the children," dagdag niya.

Pero hindi ibig sabihin nito ay tuluyan nilang buburahin or gagawin "sanitized" ang kanilang music. "Siguro subliminally na lang 'yung mga gano'ng tema. Hindi na gano'n ka-direkta. Parang bahala na po ang listeners kung paano ang pagkakaintindi nila sa music namin. 

"May mga love songs na kami ngayon. Pero andon pa rin naman 'yung flavor namin. Di po magbabago 'yun."

Ngayon mayroon na silang manager, hindi ba sila nangangamba na mawalan ng "creative freedom" sa kanilang music?

Sagot ni King Badger, "Kaya nga po si Ms. Aiai [delas Alas] ang pinili namin [na manager] kasi pagdating sa music binibigyan niya po kami ng freedom, kami bahala."

'Di raw sila dinidiktahan ni Aiai, paliwanag ni Bosx1ne: "'Di siya 'yung, 'O, eto gawin niyo, ganito dapat 'yan.' Kung ano kami, hinahayaan niya kami. Pero siyempre hindi nawawala ang guidance niya."

Ang kadalasan na reminders lang ng kanilang "mama-ger" ay tungkol sa mabuting pakikitungo sa mga makakatrabaho nila sa industriya. 

Sabi ni King Badger, "Be humble. 'Tsaka ayaw na ayaw niya ng late, kahit ano man 'yan, meeting man o kung ano. And we have to say 'hi, good morning, good evening' to everyone. Kahit sino man 'yan, kailangan batiin namin. Okay lang naman kasi palabati naman talaga kami."

BASHERS

Hindi na rin iniintindi ng Ex Battalion ang mga bashers na hindi matanggap ang kanilang music. 

"Tulad nga ng kanta namin, hayaan na lang sila," sabi ni King Badger. "Tanggap naman po namin na not everyone will like you. Kahit naman 'di ka artista, kahit naman sa normal na buhay, meron talaga na hindi sasang-ayon sa 'yo. We live our life the way we want."

Ngunit di rin nila maiwasan na maapektuhan sa ilang negatibong komento na nababasa nila sa social media, lalo na kung ang komento ay below the belt na. 

"Oo naman, maraming beses na," sabi ni Bosx1ne sabay tawa. "Minsan nga gusto ko na talaga patulan. Ang ginagawa ko na lang e nag-uusap na lang kami, tinatanong ko 'yung mga kasama ko."

Imbes na masaktan at gumanti, natutunan na lang ng Ex Battalion na gawing motivation ang kritisismo at panlalait mula sa bashers. 

"Dadating din kasi sa punto na magiging bullet-proof ka rin e," sabi ni King Badger. "From day one na maging sikat 'yong kanta namin, nakakarinig na kami ng mga 'di maganda. Pero dumating din 'yung punto na nagiging manhid ka na rin. 'Di mo na iindahin 'yung mga negative comments."

Ngayong ganap na silang showbiz personalities, hangad nila na makatrabaho ang Parokya ni Edgar at Silent Sanctuary, mga banda na matagal na nila tinitingala. 

"Pag artista naman po, si Alden Richards," sabi ni King Badger. "Mabait 'yan naaalala pa niya ako pagnakikita n'ya ako sa Sunday PinaSaya. 'Yong Parokya naman, bata pa lang kami, gusto na talaga namin. Siguro kahit collaboration lang masaya na kami."